Bata patay sa madrasta

September 2, 2022

Isang batang lalaki sa Bamban, Tarlac, ang namatay matapos umanong maltratuhin ng kinakasama ng kanyang ama nitong Miyerkules.

Sa isang video na kuha bago nasawi ang biktimang kinilalang si Jericho Galang, 4, ng Barangay Anupul, ay ikinuwento pa nito sa kanyang tiyahin ang umano’y pagmamalupit sa kanya ng madrasta.

“Gigising ako sisipa niya ako, susuntok nya’ ko,” ayon sa paslit.

Kinukwento rin umano ng biktima na pinakain siya ng sili at sinusuntok sa tiyan ng madrasta.

May mga sugat din sa ulo at bahagi ng katawan ang bata dahil sa umano’y pananakit ng kinakasama ng ama.

Ayon sa tiyahin ng biktima na si Gema Galang, nangyayari ang pananakit sa tuwing nasa trabaho ang ama ng bata sa Maynila.

Ayon pa kay Gemma, nakatali umano ang maselang bahagi ng kanyang pamangkin, may mga sugat din ito, iniuntog umano ang ulo sa pader, dahilan upang dalhin niya ito sa pediatrician para ipa-check up, pagkatapos ay ipinadala na sa surgeon dahil sa malalang kondisyon.

Nakasaad sa Death Certificate ni Jericho na nagkaroon siya ng septic shock.

Sa naunang medical certificate bago nasawi ang bata, bukod sa septic shock, marami ring gasgas sa katawan ang biktima.

Iniimbestigahan na ng Bamban Police-Women and Children’s Protection Desk ang insidente habang hinihintay pa ang resulta ng medico-legal examination sa labi ng bata, bago magsampa ng reklamo.

Posibleng maharap raw sa paglabag sa RA 7610, o child abuse law, ang madrasta.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial