Lola ‘inalay ng kulto’?

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang matandang babae na hinihinalang inalay ng kulto na kinabibilangan umano ng kanyang sariling anak at mga apo sa Balingasag, Misamis Oriental, Lunes.

Sa ulat ni PSSg. Robert John Galdo ng Balingasag Police, puwersahan umanong binuhat ng 11 suspek na binubuo umano ng mga apo, anak at iba pang mga kaanak ang biktimang kinilalang si Theofila Cabusas (75) at itinapon umano sa naglalagablab na apoy sa pangunguna umano ng kanyang apo na nakilalang si Crisanto Iricilla.

Habang nasusunog nang buhay ang biktima ay nag-alay pa umano ng dasal at nagsagawa ng ritwal ang mga suspek habang nakapalibot at pinapanuod ang tinutupok na katawan ng matanda.

Napag-alamang ang naganap ay bunsod ng kanilang relihiyosong paniniwala.

Ayon pa sa pulisya, mga gutom umano at pawang mga wala pang mga kain ang mga suspek nang isagawa ang krimen dahil magdamag umano silang nananampalataya.

Nasa pito sa mga suspek ang nasa kamay na ng mga awtoridad na ayon sa mga pulisya ay mga bayolente pa umano habang nasa kanilang kustodiya. Pinaghahanap pa ang apat sa mga salarin.

Ayon naman sa mga naarestong suspek, na napag-alamang mga miyembro ng Philippine Benevolent Christian Missionary (PBCM), ay handa umano silang harapin ang kasong parricide na isasampa laban sa kanila.

Samantala, kinondena naman ng PBCM ang karumal-dumal na krimen at sinabing hindi kasama sa kanilang aral ang pumatay ng tao. Tumutulong din ang organisasyon sa pagpapasuko sa iba pang suspek.

 


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial