Herlene Budol, may bagong misyon

Itutuloy ni 2022 Binibining Pilipinas first runner-up Herlene Nicole Budol ang kanyang nasimulan sa beaucon dahil sasabak siya sa ikatlong edisyon ng Miss Planet International pageant.

“May nagsabi sa akin na unconventional queen ako, so tinagalog ko, ‘binibining hindi inaasahan.’ Ngayon tingnan ninyo, kung kaya ko, kaya n’yo rin eh,” saad ni Herlene sa isang panayam.

Inangkin na niyang misyon ang maipakita sa tao na kahit sino maaaring mangarap, inaasahan ka man o hindi.

“Sabi nga ng Lola ko, walang imposible sa taong may magandang hangarin. Kahit anong itsura mo, kahit anong hugis ng katawan mo—payat, mataba, maitim, maputi, kulot o straight—maganda ka. Ang kagandahan para sa lahat,” sabi pa ng dalaga.

Naging mahalagang susi para kay Budol ang pagtanggap sa sarili, kabilang ang taglay niyang uri ng ganda. Kaakibat na rin ng hakbang na ito ang pasya niyang gumamit ng Filipino sa Bb. Pilipinas.

“Noong nakatuntong ako sa screening ng Bb. Pilipinas, tinatak ko sa utak ko iyon, wala pong halong kahit anong pagdadalawang isip, na magta-Tagalog po talaga ako. Alam ko po kung saan ako malakas, at alam ko kung saan ako mahina. Bakit ko naman gagawin iyong pinakamahinang hindi ko pa napapalakas?” saad ni Herlene.

“Kahit anong gawin ko parang may mali pa rin akong nagagawa para sa ibang tao. Pero para sa akin po, ginagawa ko iyong alam kong ikakabuti ko, ikakabuti ng lahat ng mga taong nasa paligid ko. Iyon siguro ang ambag ko sa lipunan,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa kanya, kung “Binibining Pilipinas” ang mismong titulo ng patimpalak, dapat lang na maging pangkaraniwang ang pagsasalita ng Filipino ng mga kandidata.

Sinabi ng reynang taga-Angono, Rizal, na hindi nagtatapos sa Bb. Pilipinas ang misyon niya. “Kahit hanggang sa pagtanda ko dala-dala ko na itong crown ko na meron akong misyon, because I know for myself that I am uniquely beautiful with a mission.”


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial