Connect with us

Concept News Central

Covid-19 sa MM, posibleng umabot ng 2K

Published

on

POSIBLENG umabot mula 1,500 hanggang 2,000 kada araw ang mga kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa Metro Manila sa Hulyo, ayon na rin kay outgoing Health Secretary Francisco Duque III.

Ito ay sa harap na rin ng patuloy na pagtaas ng mga nagkakasakit dahil sa Covid-19 kung saan pumapalo na ang mga ito sa 600 mga kaso kada araw.

Sinabi ni Duque na batay sa datos mula sa Australian Tuberculosis Modeling Network (AuTuMN), papalo mula 800 hanggang 1,200 ang mga kaso ng Covid-19 sa National Capital Region (NCR) sa katapusan ng Hunyo.

Ayon pa kay Duque, malayo namang maranasan ng bansa ang nangyari noong Enero kung saan nakapagtala ng 39,000 kaso sa bansa sa isang araw dahil sa Omicron.

Sinabi ni Duque na malaki na ang naging progreso matapos ang mahigit dalawang taon ng pandemya.

Idinagdag ni Duque na nakatutulong ang mga bakuna para hindi pumalo nang husto ang mga nagpopositibo sa Covid-19.

Isinisi naman ni Duque sa hindi pagsusuot ng mask,hindi pagpapabakuna, pagbaba ng immunity at pagpasok ng iba’t ibang Omicron subvariant kayat tumataas ang mga kaso ng Covid-19.

Sinabi pa ni Duque na posibleng umabot sa 50 porsiyento hanggang 70 porsiyento ang healthcare utilization rate dahil sa pagtaas ng mga kaso ng Covid-19.

Aniya, sa kasalukuyan, nananatiling nasa low risk ang bansa, kung saan aabot lamang sa 14.61 porsiyento hanggang 17.82 porsiyento ang hospital utilization, at ang average daily attack rate ay wala pang isa kada 100,000 populasyon.

Nakapagtala ang bansa ng 436 mga kaso ng COVID-19 noong Lunes o kabuuang 3,051 bagong impeksyon ma 13 hanggang 19 Hunyo o 82 porsiyentong pagtaas kumpara noong isang linggo.

Nanawagan si Duque na sumunod sa mga health protocol katulad ng pagsusuot ng mask para maiwasan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Covid-19.

Hindi biro ang 2,000 kaso kada araw at baka tumaas pa ito kung magtutuloy-tuloy ang pagsipa ng mga kaso ng Covid-19.

Iwasang maging pasaway nang hindi sa huli ang pagsisisi.

Advertisement

LIKE US ON FACEBOOK

Advertisement
Advertisement