Connect with us

Concept News Central

Banta ng Omicron subvariant, huwag balewalain

Published

on

NITONG Martes, kinumpirma ng Department of Health (DoH) ang lokal na transmission ng mas nakahahawang Omicron subvariant BA.2.12.1 matapos namang makapagtala ng tatlong panibagong kaso sa bansa at hindi ito dapat balewalain.

Sa isang briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dahil sa tatlong panibagong kaso ng Omicron BA.2.12.1 subvariant, pumalo na ang kabuuang mga tinamaan nito sa 17.

Sa tatlong bagong kaso, dalawa ang lokal na kaso at isa ay isang returning Filipino.

Pawang naitala ang tatlong bagong kaso sa Western Visayas.

Iginiit naman ni Vergeire na wala pang community transmission ng subvariant.

Noong isang linggo, iniulat ng DoH ang 14 na kaso ng Omicron BA.2.12.1 subvariant.

Sa 14 na kaso ng Omicron subvariant, 12 ay nagmula sa Puerto Princesa City, samantalang dalawa sa Metro Manila.

Bagamat sinabi ng DOH na walang nakaaalarmang pagtaas ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa, dapat pa ring maging rason ito para mag-ingat ang lahat sa banta ng Omicron subvariant na BA.2.12.1.

Ayon sa mga eksperto, walong beses na mas nakahahawa ito kayat may posibilidad na ito na ang maging dominant variant sa susunod na mga araw.

Kailangan ding paigtingin ng mga mga otoridad ang contact tracing para mahanap ang lahat ng mga nakasalamuha ng mga apektado ng BA.2.12.1 para mapigilan ang patuloy na pagkalat nito.
Napakahalaga ngayon ng pagbabakuna at pagpapabooster para mabigyan ng proteksyon ang lahat laban sa virus.

Maswerte ang Pilipinas na bagamat ilang bansa ang nakararanas ng pagtaas ng mga kaso, kagaya ng China, nananatiling mababa rin ang mga kaso sa kabila naman ng sunod-sunod na mass gathering dahil sa nakalipas na paggunita ng Mahal Na Araw, Ramadan, kampanya at mismong eleksyon noong 9 Mayo 2022.

Mas mabuti na ang ligtas laban sa virus kaysa sa huli ang pagsisisi.

Advertisement

LIKE US ON FACEBOOK

Advertisement
Advertisement