Connect with us

Concept News Central

Binatilyo nasawi nang tumakbo sa checkpoint

Published

on

Isang menor de edad na lalaki ang patay habang sugatan naman ang angkas nito matapos sumemplang sa Lunngsod ng Caloocan nang takasan ang isang checkpoint sa Quezon City at habulin ng mga pulis nitong Martes ng gabi.

Base sa ulat ng Laloma Police Station 1, alas-7:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Banawe St. at Calamba St. sa Brgy. Lourdes, Lungsod ng Quezon.

Kinilala ang namatay na si John Ace Barnachea, 15-anyos na residente ng Brgy. Tatalon, habang ang angkas naman niya na si John Mark Portillo, nasa hustong gulang, ay nagtamo ng mga sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sakay umano ng asul na Kawasaki HD3 na walang plaka ang dalawa nang parahin sila sa nasabing checkpoint dahil walang mga suot na helmet.

Ngunit sa halip na huminto ay pinaharurot pa ni Barnachea ang kanyang motorsiklo dahilan upang agad silang habulin ng mga pulis.

Sa gitna ng habulan ay bumunot pa umano ng baril si Portillo ngunit nabitawan niya ito bago pa man maiputok.

Umabot hanggang sa C3 Road na sakop ng Brgy. 125, Lungsod ng Caloocan ang habulan kung saan ay sumalpok ang motorsiklo sa isang gutter at doon na nga sumemplang ang mga ito.

Sa lakas ng impact ay tumilapon si Barnachea at humampas ang ulo sa sementadong kalsada na agaran niyang ikinamatay.

Na-recover ng mga awtoridad ang umano’y nabitawan ni Portillo na isang .38 caliber na baril na kargado ng mga bala gayundin ang motorsiklong nawasak dahil sa insidente.

Nasa kustodiya na rin naman ng QCPD detention facility si Portillo na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 151 o Disobedience in a Person with Authority at RA 10591 Illegal Possession of Firearms and Ammunition.

 

Advertisement

LIKE US ON FACEBOOK

Advertisement
Advertisement