Connect with us

Concept News Central

Pagsusuot ng vaccination card, hindi dapat ipatupad

Published

on

NGAYONG Biyernes, itinanggi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na opisyal na posisyon ng kagawaran ang panukalang gawing mandatory ang pagsusuot ng vaccination card.

Sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na personal na suhestiyon lamang ni Undersecretary Martin Diño ang gawing ID ang vaccination card.

Idinagdag ni Malaya na isumite na sa Inter Agency Task Force (IATF) ang panukala ni Diño.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Diño na dapat maging sakripisyo ng bawat Pilipinong nabakunahan ang pagsusuot ng vaccination card.

Iginiit ni Diño na mas mapapadali ang trabaho ng mga barangay tanod at pulis kung isusuot ng mga nabakunahan na ang kanilang vaccination card kagaya ng isang ID.

Ayon pa kay Diño, hindi na maaabala ang mga pulis at barangay tanod na hilingin sa mga tao na ilabas ang kanilang vaccination card kung nakasabit na agad ang mga ito bilang ID.

Sinabi pa ni Diño na dapat ay kusa nang nakasabit ang mga vaccination card sa pagpasok ng mga kostumer sa mga restaurant.

Bagamat may sariling dahilan si Diño sa kanyang panukala, hindi naman dapat na maging mandatory ang pagsusuot ng vaccination card.

Sakripisyo na para sa mga tao ang pagsusuot ng mask at face shield kaya’t hindi na dapat dagdagan pa ang discomfort para sa mga mamamayan.

Maaaring maging boluntaryo ito pero dapat ay hindi na dagdagan ang mga protocol sa bansa.

Madali namang kunin ang vaccination card kung sakaling kakailanganin ng mga residente. Hindi na kailangang gawing komplikado.

Isa pa, hindi malayong maging mitsa ito ng diskriminasyon sa mga hindi pa nababakunahan, dahil maaaring hindi maging maganda ang dating nang pagsusuot ng vaccination cards sa mga hindi pa nababakunahan.

Sana ay mapag-isipan pang mabuti ang mga ganitong klaseng panukala.

Advertisement

LIKE US ON FACEBOOK

Advertisement
Advertisement