Connect with us

Concept News Central

Paano pumatay ng bulate

Published

on

Masaya na ako noon kapag nakakakita ako ng earthworms. Yung itim na itsurang nabubulok na taba ng bulalo. Dali-dali akong tatakbo sa kusina para kumuha ng asin, at ibubudbod ito sa katawan ng nilalang na para bang may pinapalayas na evil spirit.

“The power of Christ compels you!”

Feeling ko ako si Max von Sydow habang pinapalayas ang demonyo na sumapi kay Linda Blair sa “The Exorcist”.

Kapag naaaktuhan ako ni Maria Victoria na ganoon ang ginagawa, sasawayin niya ako as if kamag-anak namin ang bulate. “Pero, Ma,” I would explain, sabay budbod pa ng isang dakot na asin sa kampon ng kadiliman, “espiya ang bulate.”

Makikita ng nanay ko na uusok ito at matutunaw, gaya ng isang bampira na aksidenteng nasilayan ang liwanag, o ng kababata kong si Junvie nang mapossess siya noon at ipitin ng albularyo ng plais ang mga daliri niya sa paa.

“A-raaaaay!” tili niya. “Suko na ‘ko, Jesus!”

Epektib.

Walang lungs ang mga bulate; humihinga ang mga ito sa pamamagitan ng balat. Kapag nadampian ito ng asin, matutuyo ang katawan nito, saka mamamatay.

Siyempre, hindi pa ito naiintindihan ng musmos kong kaisipan.

Ang tanging nauunawaan ko lamang ay ang mga bulate ay alaga ng mga aswang, at ang asin ay mabisang armas laban sa kanila. Atsaka bawang. At iba pang sangkap sa pagluluto. Kung sakaling magkaroon ng aswang apocalypse sa barangay namin, sa kusina ako unang magtatago, kung saan may asin, may bawang, kutsilyo at malalaking kaldero.

May kababata ako noon na nagkwento na, sa lugar nila sa Leyte, kinakain daw ang mga bulate. Kinikilaw, minsan isinasawsaw sa asin na pinagaan ng sili at hinaluan ng tinadtad na bawang, bago ngatain nang pinong pino habang nagtatawanan.

Inilalako pa ang pulutan sa mga tomador ng mga kapwa nila sa bukid. “Sasing” ang tawag nila sa pulutang iyon. Para naman sa akin, ang tawag doon ay “Ganti-ganti lang ‘yan”.

Advertisement

LIKE US ON FACEBOOK

Advertisement
Advertisement