Connect with us

Concept News Central

Isang pamamaalam

Published

on

NAGULANTANG ang Pilipinas sa biglaang pagpanaw ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III, na napabalita na lang na binawian ng buhay ilang oras makaraang isugod sa Capitol Medical Center kahapon ng umaga.

Sa opisyal na pahayag ng pamilya Aquino pasado 3:00 ng hapon kahapon, sinabi ng nakatatandang kapatid ni Noynoy na si Pinky Aquino-Abellada na binawian ng buhay ang dating Pangulo bandang 6:30 ng umaga dahil sa “renal disease secondary to diabetes.”

Dumagsa sa social media ang pagpapahayag ng mga Pilipino ng pagluluksa at pakikiramay kasunod ng nakagugulat na pamamaalam ng ika-15 Presidente ng Pilipinas, na 61 anyos lamang.

Nagkani-kanya rin ng pahayag ng pagdadalamhati ang mga dating miyembro ng kanyang Gabinete, ang malalapit na kaibigan ng kanyang pamilya, at maging ang mga opisyal ng administrasyong Duterte.

Nakagugulat ang Huwebes ng umaga para sa mga Pilipino dahil sa biglaang paglisan ni Noynoy, na piniling manahimik bilang pribadong indibiduwal simula nang bumaba sa puwesto noong 2016.

Simula nang lisanin ang Malacañang, wala nang anumang balitang narinig ang publiko tungkol sa kanya.

Nakukuhanan na lamang ng litrato si Noynoy tuwing dumadalaw siya, kasama ang mga kapatid niyang sina Pinky, Ballsy Aquino-Cruz, Viel Aquino-Dee, at Kris Aquino, sa puntod ng kanilang mga magulang sa Manila Memorial Park sa Paranaque City.

Sa nakalipas na mga taon, maraming kritiko ang pumupuna sa mistulang kawalang pakialam daw ng dating Pangulo—na naging kongresista at senador din—sa sari-saring usaping may kinalaman sa bansa.

Lagi nang inaabangan ng publiko ang pagpapahayag niya ng opinyon sa mga kontrobersiyal na isyung kinakaharap ng bansa, pero nanatiling tikom ang kanyang bibig.

Sa panahon ng kanyang pamumuno, maaalala si Noynoy bilang isang pinuno na bagamat labis ang pagpapahalaga sa kanyang pribadong buhay ay masigasig laban sa kurapsiyon at katiwalian, ang kauna-unahang Presidente na sa wikang Filipino inilahad ang kanyang State of the Nation Address (SONA), at ang matapang na nanindigan laban sa pambabraso ng China sa Pilipinas sa usapin ng mga pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea.

Sa harap ng pamamaalam ng Pilipinas sa isang lider na nagsilbi rito sa loob ng anim na taon, mahalagang ibaon na sa limot ang anumang alitang pulitikal, isantabi ang mga kulay na lalo lamang naghahati-hati sa ating lahat sa nakalipas na mga taon, at pairalin ang pakikiramay at pasasalamat sa isang Pilipinong naging mahalagang bahagi ng ating buhay—saang angkan o partido man siya nabibilang.

Paalam, dating Pangulong Noynoy. Salamat sa paglilingkod sa mga Pilipino at sa pagmamalasakit sa bayan. Dasal namin ang kapayapaan ng iyong paglalakbay sa piling ng Maykapal.

Advertisement

LIKE US ON FACEBOOK

Advertisement
Advertisement