Connect with us

Concept News Central

P6.8-M shabu nasamsam; suspek na pulis umeskapo, 2 arestado

Published

on

handcuff

ZAMBOANGA CITY – Umaabot sa P6.8-milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam umano mula sa tatlong pinagsususpetsahang drug dealers, kabilang ang isang pulis, sa Barangay Cawit, Zamboanga City, nitong Lunes ng gabi, Hunyo 7.

Kinumpirma ngayong Martes, Hunyo 8, ni Police Regional Office (PRO)-9 Director P/Brig. Gen. Ronaldo Genaro Ylagan na nagkasa ng buy-bust operation ang Drug Enforcement Team ng Zamboanga City Police Station 1 at Zamboanga City Police Station 9, kasama ang 2nd Zamboanga City Mobile Force Company sa Zone 5, Brgy. Cawit bandang 10:30 ng gabi.

Kinilala ni Ylagan ang mga inaresto na sina Nasher Abdulkadil y Hasan, alyas “Nash,” 65, may asawa, tubong Basilan; at Alhisar Nawadil y Bairulla, 29, may asawa, tubong Jolo, Sulu, at security guard sa Zamboanga City International Port sa lungsod.

Bigo namang maaresto ng pulisya ang isa pang suspek na si Patrolman Jidkhan Raji y Hasani, may asawa, aktibong operatiba ng 2nd Zamboanga Sibugay Provincial Mobile Force Company, na umano’y tumakas nang makutubang pulis ang kanilang katransaksiyon.

Nasamsam umano ng pulisya mula sa mga suspek ang isang kilo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P6.8 milyon, isang .9mm pistol, dalawang magazines nito, 14 bala ng .9mm, isang plastic bag na may 11 bundles ng P1,000 marked money, at isang Ford Ranger pick-up.

Nasa kustodiya na ng Zamboanga City Police Station 1 ang dalawang suspek habang inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kanila.

Idiniretso naman sa Zamboanga City Crime Laboratory Office ang mga ebidensiyang nakalap ng pulisya mula sa mga suspek para sa pagsusuri.

Advertisement

LIKE US ON FACEBOOK

Advertisement
Advertisement