Connect with us

Concept News Central

Superstar ng pagbabakuna

Published

on

TATANGGAP ng libreng Pfizer COVID-19 vaccine ang Pilipinas mula sa sobrang supply ng gobyerno ng Amerika, at napakaraming Pilipino ang mapoproteksiyunan ng milyun-milyong doses na darating.

Tiniyak ito ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ilang araw bago lumabas ang huling Social Weather Station (SWS) survey na nagsasabing 63 porsiyento ng 1,200 adult respondents ang gustong manggaling sa Amerika ang bakunang ituturok sa kanila, habang 19% naman ang napipisil ang bakuna na gawang China.

“From what I am told by the White House, they are going through the COVAX facility. The United States, the biggest donor, they donated about 4 billion and so we expect them to give us almost the same amount that they gave us before, which is about 2 million doses and another 2 million from Pfizer,” sinabi ni Ambassador Romualdez sa isang television interview nitong Mayo 24.

Kinumpirma ni Romualdez na nakapag-donate na ang Washington sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO) ng paunang 80 milyon sa ipinangako nitong four billion doses, ilang linggo bago tuluyang maisakatuparan ang herd immunity ng Amerika sa Hulyo 4, American Independence Day.

Dahil mahihirapan daw ang Amerika kung iisa-isahin ang mga bansang bibigyan ng Pfizer vaccine, ang COVAX na ang magpapasya, base sa ginawa nitong pag-aaral, kung anu-anong bansa ang pinakanangangailangan ng donasyong bakuna.

Tiniyak ni Romualdez na ang Pilipinas “definitely is a recipient” ng donasyong bakuna, na inaasahang darating sa bansa sa ikalawang linggo ng Hunyo.

Dahil sa anunsiyong ito, nag-aabang na muli ang nakararaming Pilipino—kung pagbabatayan ang sinasabi ng SWS survey—sa bakunang pinakagusto nilang magbigay-proteksiyon sa kanila laban sa COVID-19.

Matatandaang Pfizer din ang vaccine brand na dinagsa kamakailan ng mga nais magpaturok sa Parañaque City at Maynila.

Ito raw kasi—ayon mismo sa WHO—ang pinakaepektibo laban sa COVID-19 sa pagkakaroon ng 95% efficacy rate.

Pero ang bakuna ring ito ang ugat ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ianunsiyo sa publiko ang brand ng bakunang gagamitin sa vaccination site, o ang kontrobersiyal na non-disclosure policy.

Ito ay upang maiwasang dumagsa ang mga panatiko ng Pfizer, na nauuwi lang sa paglabag sa health protocols dahil sa mass gathering at minsan ay kawalan ng physical distancing.

Ngayong napatunayan na kung paanong parang superstar na dinudumog ng mga tao ang bakunang gawa ng Amerika, at naianunsiyo nang milyun-milyong Pfizer doses ang inilaan para sa mga Pilipino, pinaplano na kaya ng mga local government units (LGUs) at pulisya kung paano nilang masisiguro na hindi malalabag ng maraming excited na pupunta sa vaccination centers ang health protocols?

Sa isang banda, hindi na marahil ganoon kaatat ang mga Pilipino sa bakunang Pfizer kung alam nilang milyun-milyon ang supply nito kaya hindi naman magkakaubusan.
Sana lang din ay hindi maging dahilan ang anunsiyong ito para ipagpaliban ng ilan ang pagpapabakuna dahil hinihintay pa nila ang pinakaaasam nilang Pfizer jabs.

Advertisement

LIKE US ON FACEBOOK

Advertisement
Advertisement