Connect with us

Concept News Central

Babaeng nag-asunto sa 11 Cebu cops binistay, patay

TDT

Published

on

Isang 35-anyos na babaeng nagsampa ng mga kasong kriminal laban sa 11 pulis sa Cebu City ang namatay makaraang pagbabarilin sa Barangay Basak sa lungsod nitong Lunes ng gabi, Abril 19.

Ayon sa pahayag sa media ni Maj. Alejandro Batobalonos, hepe ng Integrity Monitoring and Enhancement Group (IMEG) ng Visayas Field Unit, pasado 6:00 ng gabi nang paulit-ulit na pinagbabaril si Ritchie Nepomuceno sa Natalio Bacalso Avenue sa Brgy. Basak.

Noong nakaraang buwan, kinasuhan ni Nepomuceno, taga-Minglanilla, Cebu, ang 11 pulis ng Sawang Calero police station na pumasok umano sa kanyang bahay noong Marso 9 at naghalughog doon kahit walang search warrant, matapos siyang paratangan ng illegal possession of firearms.

Sinabi ni Nepomuceno na kinuha pa umano ng mga pulis ang ilang alahas niya bago nagsialis ang mga ito.

Kinabukasan, Marso 10, inaresto umano ng parehong grupo ng mga pulis si Nepomuceno at dinala sa himpilan ng Sawang Calero, bagamat hindi iyon naka-record sa blotter.

Sa pahayag ni Nepomuceno sa pulisya, sinabi niyang pinilit umano siya ng mga suspek na mag-withdraw ng P170,000.

Kasunod nito, dinala umano si Nepomuceno ng isa sa mga akusado, si Police Staff Sgt. Celso Colita, sa isang motel at doon umano ginahasa.

Marso 11 nang tuluyang makalaya si Nepomuceno mula sa kustodiya ng pulisya at kaagad siyang dumulog sa pulisya upang kasuhan ang 11 pulis.

Robbery ang isinampa ni Nepomuceno laban sa 11 pulis, samantala naghain siya ng two counts of rape laban kay Colita.

Bukod kay Colita, kinasuhan din ni Nepomuceno sina Chief MSgt. Eric Edgar Ernia; Staff Sergeants Joseph Alcoseba at Michael Rhey Cabizares; Corporals Emmanuel Martinez, Rochelito Mabulay, Ejill Ferrolino, Carlo Irizari, Junel Pedroza, John Carl Aceron, at Georny Abrasado.

Kaagad namang sinibak sa puwesto ang 11 pulis habang iniimbestigahan sila kaugnay ng reklamo ni Nepomuceno.

Isa sa akusado, nagbaril sa sarili

Ilang oras makaraang paslangin si Nepomuceno, napaulat naman ang pagbabaril sa sarili ni Colita, ang pulis na kinasuhan ng rape ng biktima.

Bandang 9:19 ng gabi nang natagpuan si Colita sa nakahandusay sa banyo ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay.

Ayon sa mga opisyal ng RDEU, nagbaril sa sarili si Colita matapos itong usisain kaugnay ng pamamaslang kay Nepomuceno. (Emie Marielle Marcelo, intern)

Advertisement
Advertisement
Advertisement