Connect with us

Concept News Central

Kagawad sa Sibugay, sugatan sa pamamaril

Avatar

Published

on

ZAMBOANGA CITY – Sugatan ang isang barangay kagawad makaraang pagbabarilin sa Mabuhay, Zamboanga Sibugay nitong Biyernes, Abril 16.

Kinilala ni Zamboanga Sibugay Police Provincial Office director Col. Albert Larubis ang biktimang si Ronald Olibo Momo, 49, may asawa, kagawad ng Barangay Sioton sa munisipalidad ng Mabuhay.

Sinabi ni Col. Larubis na bandang 9:10 ng umaga, naglalakad si Momo nang mula sa likod ay barilin ito ng hindi nakilalang lalaki sa Purok 2, Brgy. Sioton sa Mabuhay.

Sa kanang balikat nabaril si Momo, na mabilis na naisugod sa ospital.

Si Momo ang ikaanim na biktima ng pamamaril sa mga lokal na opisyal sa bayan ng Mabuhay sa nakalipas na halos dalawang buwan.

Noong Pebrero 26, 2021, pinagbabaril sina Mabuhay Vice Mayor Restituto Calonge, Municipal Engineer Edgar Pampanga, at Imam Abduhar Gani sa labas ng town hall building.

Nasawi sina Calonge at Pampanga sa insidente.

Abril 5 naman nang napatay si Councilor Alvarez Dammang habang malubhang nasugatan ang driver niyang si Alamsa Sabturani nang paulanan sila ng bala ng M-16 Armalite rifle habang nagbibiyahe patungo sa bayan ng Talusan.

Dahil dito, nitong Abril 12 ay personal na pinulong ni Armed Force of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Commander Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr. ang mga lokal na opisyal ng magkakalapit na mga bayan ng Mabuhay, Talusan, at Olutanga para resolbahin ang problema sa seguridad sa bahaging iyon ng Zamboanga Sibugay.

Advertisement
Advertisement
Advertisement