Connect with us

Concept News Central

Nakakalungkot

Published

on

Ang mga Pilipino ay likas na masayahin.
Kahit ilang sakuna gaya ng mga bagyo, pagbaha, pagputok ng bulkan, lindol at ilang mga man-made calamities ang nararanasan natin, hindi tayo nagpapatinag at hindi rin maikakaila na may mga pagkakataon na handa pa rin tayong ngumiti sa gitna ng mga krisis.

Pero sa lahat ng pagsubok na hinarap natin, talaga namang wala nang hihirap pa sa nararanasan natin ngayon dahil sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa na nakapagpayuko sa ekonomiya at nagdulot ng kawalan ng trabaho sa bansa, maging sa buong mundo.

May mga pagkakataon namang nakakatawa pa tayo at nakakangiti sa kabila ng krisis, pero habang tumatagal, unti-unti nang nababawasan ang resilience ng mga Pilipino.

Nito lang nakaraan, bumagsak ang Pilipinas sa ranking ng 2021 World Happiness Report kung saan bumaba sa 61 mula sa 52 na puwesto nito noong nakaraang taon.

Ang World Happiness Report ay isang global index kung saan itinatala nito ang epekto ng COVID-19 sa mundo.

Nasa top spot pa rin ang Finland, na sinusundan ng Denmark, Switzerland, Iceland at ng Netherlands
Kasunod naman ang Norway, Sweden, Luxembourg, New Zealand at Austria.

Ang nasa bottom 10 naman ay ang mga bansang Burundi, Yemen, Tanzania, Haiti, Malawi, Lesotho, Botswana, Rwanda, Zimbabwe at Afghanistan.

At dahil dito, nagpahayag nang pagkalungkot ang Malakanyang dahil sa pagbaba ng bansa sa rankings kahit na itinuturing pang pinakamasayang lahi sa mundo ang mga Pilipino.

“Nalulungkot tayo na naging mas kakaunti iyong mga maligaya sa bansa natin ngayon pero ito ay epekto ng pandemiya,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

“Nandiyan naman po ang pag-asa natin sa pagdating ng mga bakuna. So, inaasahan po natin na matapos mabakunahan ang lahat, mas liligaya muli ang mga Pilipino,” dagdag niya.

Pero kahit masayahin ang mga Pilipino, sino ba naman ang matutuwa sa impormasyon na ang Pilipinas ang may ikalawang pinakamalaking COVID-19 infections sa Southeast Asia?
Sino ang matutuwa kung bagsak ang ekonomiya, kung wala nang trabaho at pagkakakitaan ang mga mamamayan?
Manunumbalik lamang siguro ang kasiyahan sa mga mukha ng mga Pinoy kung matatapos na ang pandemya.

Pero ang nakakalungkot, hindi natin alam kung hanggang kailan tayo haharap sa pagsubok na dala ng pandemya.

Ibayong pag-iingat at panalangin sa ngayon ang ating magagawa.

Pero kung may pagkakataon, may oras naman sigurong maaari tayong ngumiting muli at mangarap na magiging maaayos rin ang lahat sa mga darating na araw.

Advertisement

LIKE US ON FACEBOOK

Advertisement
Advertisement