Connect with us

Concept News Central

600K doses ng Sinovac darating na sa Linggo

TDT

Published

on

Darating na sa Linggo ang 600,000 doses ng Sinovac Biotech vaccines na donasyon ng China sa Pilipinas, ayon sa Palasyo.

Sinabi ni presidential spokesperson Secretary Harry Roque na 100,000 doses na manggagaling sa China ay ilalaan para sa mga sundalo.

“Tatlong tulog na lang po, parating na ang bakuna. Itong Linggo pong ito, darating ang Sinovac. Kaya excited po tayong lahat,” sabi ni Roque.

“Inaasahan po na at least ang pinaplano natin, sasalubungin po ng mga opisyal ang pagdating ng mga bakuna,” dagdag ni Roque.

Idinagdag ni Roque na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na personal na makita ang pagdating ng unang batch ng Covid-19 vaccines sa bansa.

Ayon pa kay Roque, maaari nang simulan sa Lunes ang pagbabakuna sa mga frontliners sa Philippine General Hospital (PGH).

“I will have to coordinate, pero ang alam ko po, all we need is one day, and we will roll out. If it arrives on Sunday, and if I’m not mistaken, we can roll out on Monday,” dagdag ni Roque. “Excited na po ang maraming kababayan natin.”

Sa kabila naman nito, hindi pa rin malinaw kung gagamitin ang Sinovac vaccine sa pagbabakuna ng mga health care workers na siyang prayoridad sa listahan ng gobyerno.

Hindi pa naglalabas ng panuntunan ang National Immunization Technical Advisory Group kaugnay ng gagawing pagbabakuna.

Kamakailan ay naglabas ang Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) sa Sinovac, bagamat sinabi ni Director General Eric Domingo na hindi inirerekomenda ng regulatory board na gamitin ito sa mga medical frontliners na lantad sa mga pasyenteng may Covid-19, gayundin sa mga matatanda na may iba pang sakit.

Ito’y matapos lumabas sa huling clinical trial ng Sinovac sa Brazil na aabot lamang sa 50.4 porsiyento ang efficacy rate nito sa medical workers, mataas lamang ng bahagya sa itinakdang threshold ng World Health Organization (WHO) na 50 porsiyento.

Sinabi naman ni Dr. Gerardo Legaspi, PGH director na handa ang mga personnel ng ospital na tanggapin ang Sinovac vaccines.

“Our basis for accepting this is the EUA given by the FDA, because we all know that if it gives clearance, the safety and efficacy are assured,” sabi ni Legaspi.

Advertisement
Advertisement
Advertisement