Connect with us

Concept News Central

Sugod-office ni Alex kay Vico Sotto trending, may 4M views na

Avatar

Published

on

ISANG araw pa lang nai-upload sa kanyang vlog ni Alex Gonzaga-Morada ang sugod-office niya sa tanggapan ni Pasig City Mayor Vico Sotto, ay pumalo na ito sa 3.8 million views.

Iba talaga ang dating ng anak nina Vic Sotto at Coney Reyes.

Ang vlog na may title na A day with Mayor Vico ay masasabing isa sa pinakamabilis na nakakuha ng views sa YouTube ni Alex.

Maraming napag-usapan sina Alex at Mayor Vico, tulad ng pamamalakad ng ama ng Pasig sa kanyang bayan at ang ukol sa love. Siyempre hindi iyon makaliligtas sa nakababatang kapatid ni Tony Gonzaga.

Ayon kay Alex naroon siya sa Pasig City Hall para lakarin ang business permit. Pero siyempre gusto muna niyang makausap ang mayor ng syudad.

Hindi nagpatumpik-tumpik si Alex nang diretso nitong tanungin ang mayor kung gusto na nitong bigyan ng first lady ang Pasig.

Sagot naman agad ng batang mayor, “Ang Pasig? Well, sa ngayon hindi naman priority ‘yan,” giit nito.

“Lalo na noong nag-pandemic talagang wala ka nang time. Focus muna tayo sa trabaho,” sambit pa ni Mayor Vico.

At muling humirit ito na hindi rin siya interesado sa showbiz bagamat parehong nasa showbiz ang kanyang mga magulang na sina Coney at Vic Sotto.

At dahil sa sobrang busy ay hindi na rin anya siya nakakapanood ng Eat Bulaga.

Natanong din ni Alex si Mayor Vico kung bakit naroon ito gayung Sabado.

“Ano ginagawa mo rito?” tanong ni Alex.  “First time kong pumunta rito sa munisipyo ng Pasig, may lalakarin po sana ako, kapag okay baka tumakbo na rin ako,” pagbibiro nito.

“Siyempre nagtatrabaho pa rin kahit Sabado,” sagot ni Vico sa tanong ni Alex.

Gulat na gulat din ang aktres dahil sa development ng syudad.

“Para kayong airport (dahil sa radiation and security scanning) walang ganito sa Taytay,” anang aktres na ikinatawa lang ng mayor.

Pinag-usapan din ng dalawa ang ukol sa Covid 19 kung paano iyon tinutukan ng mayor, ano ginawa niya rito at kung paano niya tinugunan ang mga pangangailangan ng kanyang constituents.

Ani Vico, “Meron tayong TAPAT program, ‘yung tulong at ayudang pampuhunan sa mga taga-Pasig na nagbibigay tayo ng small or micro loans. Sa P5,000 loan, sa second year na nila babayaran.”

Sabay pakita sa website kung saan makapag-a-apply ng loan ang mga taga-Pasig.

Ipinagmalaki naman ni Vico ang mga empleado ng city hall na kahit Sabado ay pumapasok ang mga ito. Kitang-kita sa video na marami ngang empleado ang naroon.

“Saturday nagtatrabaho ang mga empleado, walang instruction sa akin ‘yan na mag-overtime,” pagmamalaki ni Mayor Vico.

Nagbiro pa nga ito ng, “Sa sobrang sipag nila (mga empleado) rito na sila natutulog.

Ipinaliwanag pa ni Vico na kaya kailangan nilang magsara ng libro ng 2020 kaya pumapasok ang maraming empleado kahit Sabado.

At dahil mayor’s permit ang isinadya talaga roon ni Alex natanong niya si Mayor kung pinipirmahan nito isa-isa.

“Mayor’s permit pinipirmahan n’yo pala isa-isa ‘yun Mayor?” tanong ni Alex.

 “Mayor’s permit? Hindi lahat. Grabe naman ‘to. Ilang libo ‘yun? Sampung libo ‘yun paano ko pipirmahan?, sagot ng mayor.

Ipinakita rin ni Mayor Vico kay Alex ang command center sa munisipyo na kinalalagyan ng maraming CCTV na sakop ang buong Pasig at 24 oras binabantayan.

“Ay may PBB (Pinoy Big Brother) pala sila rito. Pinoy Big Brother pala sila rito,” biro ni Alex.

“Oo, kasi anytime puwedeng magkasunog, puwedeng may disaster,” paliwanag ni Vico. “Oo parang PBB,” pagsang-ayon nito.

Nabanggit pa ni Alex sa mayor na napanood niyang college pa lang si Mayor Vico ay gusto na nitong maging public servant. “Bata pa lang ako gusto ko na talagang magtrabaho sa gobyerno.”

“Ayaw n’yong mag-Eat Bulaga?” tanong uli ni Alex. “Hindi eh. ‘Yung sumayaw ako, pinilit lang nila ako.” anang mayor.

“Eh sino ang nag-udyok sa iyo (politika),” tanong pa ni Alex.

“Ang influence ko riyan, ewan ko kung kilala mo kuya ko si LA (Mumar).”

“LA Lopez (singer)?” biro ni Alex at natawa si Vico.

Natanong din si Vico kung pumapatol ito sa mga basher. “Kung minsan,” sagot ni Vico. “Pero siyempre dapat hindi ka masyadong maapektuhan pero sa isang banda naniniwala ako na dapat as a public servant tinitingnan ko rin ‘yung feedback.”

Humiling pa ng pictorial si Alex kay Mayor Vico at sinabi ng mayor sa kanya na, “Pagkatapos nito (pictorial) magtratrabaho muna ako a.”

–30–

Advertisement
Advertisement
Advertisement