Connect with us

Concept News Central

Prerogative ng Pangulo

TDT

Published

on

Nito lamang nakaraan, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na niya ipapakita sa publiko ang kanyang pagpapabakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa kabila nang nauna niyang pahayag na ipapakita niya ito sa publiko.

Marami tuloy ang nagtatanong ngayon kung ano ba ang nakapagpabago ng isip ng Pangulo nang sabihin niyang gagawin na niyang pribado ang kanyang pagpapabakuna dahil na rin sa naunang pahayag ng Pangulo na mauuna siyang magpaturok ng bakuna mula China.

Ang ilan, may agam-agam na baka may mga impormasyon ang Pangulo kaugnay sa mga bakuna at ayaw niya itong malaman ng sambayanan.

May ilan namang nagsabing baka may mas malalim na dahilan pa ang Pangulo sa kanyang pagbawi ng pahayag kaugnay sa pagpapabakuna niya.

Pero ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, hindi na kailangang magpaliwanag ng Pangulo kung bakit nagbago ang isip niya dahil prerogative naman ito ng Pangulo.

In effect, ang sinasabi ni Roque ay katawan naman umano ng Pangulo ang tuturukan ng bakuna kung kaya naman maaaring magbago ang kanyang isipan.

“That’s his personal decision, and I don’t think he has to explain,” saad ni Roque.

“Ang Presidente naman po, paiba-iba ang kaniyang prayoridad sa kaniyang Talk to the People. Hayaan na po nating magdesisyun ang Presidente. Iyong sinabi ko pong paiba-iba ang priorities ni President, that’s as far as his messaging is concerned po sa kaniyang Talk to the People,” dagdag niya.

Matagal nang sinasabi ng Pangulo na handa siyang maunang magpabakuna upang maipakita sa publiko na handa siyang sumugal sa bakuna na galing China, pero nagbago rin ang isip niya noon at sinabing dapat maunang mabakunahan ang mga medical frontliners.

Tiwala rin ang Pangulo sa mga bakuna na mula sa China at Russia at makailang beses niyang sinabi yun.

Ayon pa kay Roque, gagayahin na lang ng Pangulo ang ginawa ni Queen Elizabeth II na inanunsyo ang kanyang pagpapabakuna matapos mabakunahan ang kanyang asawang si Prince Philip.

Dagdag pa ng Palace official, ang mga impormasyon ng pagpapabakuna ng Pangulo ay sa pagitan lamang ni Duterte at kanyang mga doktor.

Pero kung ano’t ano man ang maging desisyon ng Pangulo, siguradong may dahilan siya at alam na alam niya ang kanyang ginagawa.

Kung hindi man isapubliko ang kanyang pagpapabakuna, wala naman sigurong masama roon.

Ang mahalaga ay maging ligtas ang Pangulo sa kahit anong banta, kasama na ang COVID-19.

Advertisement
Advertisement
Advertisement