Connect with us

Concept News Central

DUTERTE, SUPORTADO ANG DND!

Published

on

Inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque nitong Martes na suportado ng Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng Department of National Defense (DND) na i-terminate unilaterally ang kasunduan nito sa University of the Philippines (UP) kaugnay sa pagpasok ng mga state forces sa mga campuses nito.

Ayon kay Roque, nasa likod ng DND ang Pangulo dahil alter ego niya umano si Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Dagdag pa ng Palace official, naobserbahan niya ang ilang mga paaralan sa Estados Unidos at Europa at sinabing mayroon pa rin namang police presence sa mga campus doon, pero hindi naman umano naba-violate ang kanilang mga academic freedoms.

“Personally po, ako po ay 15 taon nagturo, 10 taon nag-aral sa UP eh yung 25 years ko sa UP hindi ko naranasan na nandoon ang pulis,” sabi ni Roque. “Hindi lang naman UP ang pamantasan na mayroong academic freedom. Sa buong mundo po mayroon iyan at sa buong mundo, sakop naman po sila ng kapulisan.”

Paliwanag pa ni Roque, ang mandato umano ng militar ay upang protektahan ang sambayanan kung kaya naman wala dapat ikatakot ang publiko at maaari rin umanong mag-surveillance ang state forces sa bansa.

“Kung surveillance, hindi naman po ipinagbabawal iyan. Pero iyong mga kidnapping, iyong mga ganiyan, iyan po ang mga pinagbabawal o iyong wiretapping na walang court order, iyan po mga puwedeng ipagbawal,” saad ni Roque.

Ang kasunduan sa pagitan ng UP at DND ay naipatupad noong Hunyo 1989 na panahon ni dating Panuglong Cory Aquino at nakasaad sa kasunduan na ang mga militar at pulis ay hindi maaaring pumasok sa mga UP campuses sa bansa nang walang pahintulot ng UP administration.

Pero sinabi ni Lorenzana kay UP president Danilo Concepcion sa isang sulat na ipinadala noong Enero 15 ngayong taon na ang kasunduan ay nakakasagabal umano sa pagbibigay ng DND ng “effective security, safety and welfare” ng mga estudyante, faculty at mga empleyado ng UP.

Dagdag pa ng DND chief, naging “safe haven” na umano ng mga komunistang rebelde ang UP at nagrerecruit na umano ang mga ito ng mga kasapi mula sa state university.
Paliwanag pa ni Lorenzana, obsolete na umano ang nasabing kasunduan.

Si Concepcion naman, nanawagan kay Lorenzana na ikonsidera ang abrogration dahil ang kasunduan umano ay hindi naglalayon na matakasan o pahinain ang batas kundi upang protektahan ang kanilang academic freedom “that makes intellectual inquiry and human and social advancement possible.”

Ayon naman kay Roque, ang mga panawagan ng UP ay pakikinggan naman ng pamahalaan.

“Papakinggan naman po iyan pero kinakailangan magsalita pa po nang mas malinaw si President Danilo Concepcion nang malaman ang kaniyang paninindigan at kung ano iyong mga dahilan kung bakit dapat ma-reconsider iyan,” saad ni Roque.

“Nasa mga taga-UP rin po iyan. Hindi po nila hahayaan na mabalewala at malabag ang kanilang karapatan sa academic freedom,” dagdag niya.

Advertisement

LIKE US ON FACEBOOK

Advertisement
Advertisement