Connect with us

Concept News Central

Maging praktikal

Concept News Central

Published

on

Nagiging malaking usapin na ngayon kung papayagan bang makalabas ang mga menor-de-edad at magpunta sa mga malls lalo na ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.

May mga nagsasabing dapat nang payagang makalabas ang mga minors kahit pa mayroong pa ring banta ng coronavirus disease (COVID-19) dahil nagbubukas naman na ang ekonomiya at mayroon pa ring ipinatutupad na health and safety protocols sa mga malls.

Pero ayon naman sa ilan, magiging delikado para sa mga kabataan ang paglabas ngayong mga panahon na ito dahil kasama ng mga senior citizens, susceptible rin ang mga menor-de-edad sa nakamamatay na sakit.

Naging usapin rin siyempre ang mga negosyong may kaugnayan sa mga kabataan gaya ng mga arcades, playgrounds at mga nursery dahil napag-uusapan na rin naman kung papayagan nang makalabas ang mga minors o hindi.

Kaugnay sa mga negosyong pambata, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na kahit pinagdidiskusyunan na ang mga guidelines para sa paglabas ng mga minors, hindi pa rin umano puwedeng payagang magbukas ang mga nasabing negosyong pambata.

“Sa ngayon hindi pa rin lalo na ’yung mga playground, nursery, hindi pa rin, kasi bawal pang lumabas ang mga minor,” sabi ni Año.

Paglilinaw pa ng kalihim, wala pa rin umanong pinal na desisyon mula sa mga local government units kung papayagan nang lumabas ang mga minors sa kabila nang ipinatutupad na general community quarantine (GCQ) sa National Capital Region.

Sinabi rin ni Año na nag-uusap pa ang mga Metro Manila mayors, Philippine Pediatric Society at iba pang health experts bago sila maglabas ng pinal na desisyon.

“Noong Sunday nga lumabas ’yung proposal nila. Ang sabi natin, gawin ninyo ang inyong resolution at ordinansa kasi ang mga LGU talaga ang mayroong responsibilidad diyan. Sa ngayon nagsasagawa pa sila ng pulong dahil hati kasi ang mayors ng Metro Manila at kailangan isa lang ang stand nila,” saad ni Año.

“Ang update natin makikipag-meeting pa sila sa Philippine Pediatric Society para magkaroon sila ng discussion. Based doon sa kanilang consensus, ang sabi nila hindi pa sila handa dahil Christmas, puwede ’yang ’di matuloy. At kung sabihin naman nila na pupuwede ganitong edad, papayagan natin, accompanied by guardians or parents, we can adopt it,” dagdag niya.

Sa ganang amin, mas makabubuti sigurong pag-isipan nang mabuti kung ano ang mga hakbang na gagawin kung sakali ngang papayagang makalabas na ang mga minors.

Kung tutuusin kasi, kung payagan ngang lumabas ang mga minors, siguradong dadami na naman ang tao sa labas at kahit pa may mga protocols, hindi naman masisigurong masusunod ito ng lahat dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa malls.

Baka puwede naman sigurong maging praktikal muna ang mga mamamayan kaugnay nito, dahil nandiyan lang naman ang Pasko, pero habang hindi nawawala ang COVID-19, nakalagay pa rin sa bingit ng panganib ang lahat.

Advertisement
Advertisement
Advertisement