Connect with us

Concept News Central

Magtulungan ang lahat

Concept News Central

Published

on

Ngayon mayroon nang lumalabas na pag-aaral kaugnay sa pagiging epektibo ng ilang mga coronavirus disease (COVID-19) vaccine na dindevelop ng ibang bansa, nagkakaroon na rin ng pag-asa ang mundo na magagapi na ang nakamamatay na sakit.

Pero siyempre, ang pagkuha ng bakuna kung sakaling magkaroon na nito ay mangangailangan ng malaking halaga upang masigurong mabibigyan ang lahat ng Pilipino sa bansa.

Ang pamahalaan, hindi naman nagkukulang sa paggawa ng paraan upang masigurong magkakaroon ang bansa ng bakuna laban sa COVID-19 at sa katunayan ay nagsabi na ang National Task Force on COVID-19 na mayroon na silang mga makukunan ng bakuna.

Ang problema lang, siguradong hindi magiging sapat ang pondo para sa mga bakuna, lalo na kung ipamimigay ito ng pamahalaan ng libre sa mga health workers, frontliners at mga mahihirap na mamamayan.

Nitolamang ay isang mambabatas ang nagmungkahi na kailangan tumulong ng Simbahan, mga religious groups at mga local government units (LGU) na tulungan ang pamahalaan sa gastos para sa bakuna.

Ito ay para siguraduhing magkakaroon ang lahat ng bakuna at makabangong muli matapos mailugmok ng mga lockdowns at quarantine protocols ang kanilang mga pinagkakakitaan habang ang iba naman ay nawalan ng trabaho.

Ayon kay BHW party-list Representative Angelica Natasha Co, maaari umanong tularan ng Simbahan at mga religious groups ang ilang mga private sector na nagbibigay ng tulong sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagpondo para sa pagbili ng bakuna.

“We ask for the kind and benevolent nature of the Church for their contribution,” sabi ni Co. “National government funds would not be enough.”

“This magnitude of truly whole-of-society fundraising effort is what we need to get every Filipino vaccinated at zero out-of-pocket expense for those who will receive the vaccines. It is impossible for the national government alone to carry the cost burden. We need matching funds from the four other sources,” dagdag pa niya.

Kung matatandaan, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na mangangailangan ang pamahalaan ng P73 bilyon upang makabili ng COVID-19 vaccine para sa 70 porsiyento ng populasyon sa Pilipinas na nasa 110 million.

Kung magagawa ito ng Simbahan at mga religious groups, mas magiging magaan siguro para sa pamahalaan ang gastos para sa pagkuha ng bakuna.

Ang kailangan nating lahat ngayon ay pagkakaisa upang harapin ang banta ng pandemya na hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasawata.

Kung magtutulungan lamang ang lahat, mas magiging maganda siguro ang kahihinatnan ng bansa.
Amen.

Advertisement
Advertisement
Advertisement