Connect with us
Click me!

Concept News Central

Drone para pantawid gutom

Concept News Central

Published

on

Mahigit isang linggo makalipas palubugin ng bagyong Ulysses ang mga bahaing lugar sa Bicol, Cagayan, Isabela, Marikina at Rizal, marami pa rin sa mga nasalanta ang dumadaing na madalhan agad sila ng tulong lalong-lalo na ng pagkain at tubig.

Sadyang kulang at mabagal ang paghatid sa kanila ng mga basic na kailangan nila sa kung anu-anong dahilan. Kaya naman hindi nila maramdaman ang bayanihan at malasakit ng iba na tulungan sila.
Magpapatotoo ng kaawa-awang kalagayan ng mga biktima ni Ulysses sampu ng kanilang mga pamilya ang panglilimos nila sa gilid ng mga highway na ipinakita sa mga palabas ng balita sa telebisyon. Hindi ito naibsan kahit na naitawid ang panawagan nila sa social media. na mabigyan ng pamawi ng gutom at uhaw.

Nakapangsisikip ng dibdib makita ang mga musmos na nagwawagayway ng mga pirasong karton na may nakasulat na “pagkain” at “tubig.” Na ang buhay nila ay nakasalalay sa mga dumadaang motorista na kusang nagmamagandang-loob sa kapwa at namimigay ng ilang supot ng makakain.

Hindi dapat nagugutom at umiiyak ang mga sanggol at batang paslit. Pinakamabilis na paraan ng paghahatid ng mga pagkain at tubig sa mga liblib o naharang na lugar ang mga helicopter. Ngunit mangilan-ngilan lang ang mga helicopter ng gobyerno at militar. Siguro naman dapat nang dagdagan ang mga sasakyang panghimpapawid kahit na malalaking drone lang.

Sa ibang bansa, ginagamit na ang drone sa paghahatid ng order na pagkain at mga pinamili sa online store. Ito’y malalaking version ng mga tradisyunal na drone na kumukuha lang ng litrato o video habang lumilipad.

Sa Pilipinas ay nauuso na at ginagamit ang drone sa paggawa ng video. Ngunit mangilan-ngilan lang ang mayroong drone. Kung maluwag na pahihintulutan ng mga otoridad ang pagbili at paggamit ng drone, kasabay ng pagkakaroon ng marami nito ng sandatahang-lakas, hindi lang krisis sa pagkain at uhaw ang dagliang matutugunan ng gobyerno.
Magagamit rin ang mga drone para labanan ang terorismo, mga ordinaryong kriminal at kahit mga mananakop.

Napapanahon na gumamit na tayo ng drone para magbigay ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad at para sa pagsasanay ng mga sundalo sa pagpiloto ng mga ito. Kung maraming civilian ang may drone, maaari silang magsama-sama upang maghatid ng pagkain at tubig sa mas maraming taong nasalanta ng bagyo.

Kung marami ring sundalong bihasa na sa pagpiloto ng drone, mas lalong madali ang paghahatid ng tulong sa mga lugar na hindi mapuntahan ng kanilang helicopter, C-130, amphibious vehicles at trak.

Sa pakikidigma gamit ang drone, maiiwasan ang buwis buhay sa kasundaluhan. At sa pakikibaka sa gutom at uhaw sa panahon ng kalamidad, makaliligtas ang mga nasalanta kay Kamatayan.

Advertisement
Advertisement
Advertisement