Connect with us
Click me!

Concept News Central

Dapat noon pa

Concept News Central

Published

on

Nitong Sabado, inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na palalawigin ng pamahalaan ang pagsasawata sa mga illegal miners at loggers sa ilang parte ng Luzon.

Ito ay matapos masalanta ang rehiyon ng mga nagdaang bagyong Quinta, Rolly at Ulysses na nag-iwan ng halos daang taong patay at bilyong-bilyong pinsala sa mga ari-arian at mga pananim sa Luzon.

Sabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya, ipinag-utos na umano ni DILG Secretary Eduardo Año ang kapulisan upang tugisin at sawatain ang mga illegal loggers at miners sa mga probinsyang lubhang naapektuhan ng baha matapos ang mga bagyo.

“Si Secretary Año po ay nagbigay ng kautusan kay Philippine National Police chief Gen. Debold Sinas, ang pinuno ng Philippine National Police na mag-crackdown sa lahat ng uri ng illegal logging at illegal mining sa mga lugar na nasalanta ng bagyo partikular sa Cagayan, Isabela kahit na po sa Kabikulan dahil ito ang sinasabing dahilan nung unprecendented widespread flooding,” sabi ni Malaya.

Ilang parte kasi ng Bicol Region ang nakaranas ng lahar mula sa Mayon Volcano nang manalasa ang bagyong Rolly sa Albay kung saan itinuturong dahilan ng pagbaha ay ang quarrying sa lugar.
Halos mabura naman sa mapa ang Cagayan at Isabela nang lumubog ito sa tubig-baha na nagpa-stranded sa halos libong katao sa kanilang mga bubungan at ayon sa mga opisyal ng mga nasabing probinsya, illegal logging naman ang dahilan kung kaya’t nagkaroon ng pinakamatinding baha sa mga probinsya.

Dahil dito, sinabi ng DILG na may gagawin silang proyekto sa susunod na taon para sa mga local government units (LGU) na ipatupad ang pagtatanim ng puno sa kani-kanilang mga nasasakupan at target nila ang makapagtanim ng 200 milyong puno sa buong bansa.

“’Yung pagpapalakas sa national tree planting natin ang goal po nito ay makapagtanim ng 200 million trees at ang target po ni Año na masimulan ito next year. Maglalabas ng memorandum circulars para hikayatin ang malawakang tree planting in support of the national greening program mula sa barangay at pinakamataaas na antas,” sabi pa ni Malaya.

Napakagandang proyekto at adhikain.

Pero ang malaking tanong: Bakit ngayon lang iyan kung kailan halos malubog na ang mga probinsya sa tubig baha?

Hindi ba’t may mga batas nang ipinatutupad noon pa kaugnay sa mga ilegal na pagtotroso at pagmimina?

Kung kailan ang dami nang nasalanta, saka lamang palalawigin ang kampanya laban sa illegal logging at mining.

Hindi pa naman huli ang lahat. Ang kailangan lamang ma-realize ngayon ng mga tao ay kung walang kalikasan, tapos tayong lahat.

Pero sana, noon pa pinalakas ang kampanya laban sa mga ilegal na gawaing ito. Baka naiwasan pa nating maranasan ang mga ganitong klaseng sakuna.

Advertisement
Advertisement
Advertisement