Ibigay niyo na

Ibigay niyo na

Nitong nakaraan lamang ay inihayag ng Department of Transportation (DoTr) na aarangkadang muli ang magdamagang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel sa susunod na buwan, na talaga namang magandang balita para sa mga kababayan nating mga commuters.

Ang problema lang, may ilang mga driver ang ngayon pa lamang ay umaalma na dahil hindi maayos ang pagpapasahod sa kanila.

Ayon sa bus driver na si Abner Opiana, halos dalawang buwan nang naaantala ang kanilang sahod.

"Sa amin po halos dalawang buwan delayed ang sahod namin. Ang sabi hindi pa nagbabayad ang LTFRB kasi pagbayad ng LTFRB saka lang nagbabayad sila boss sa 'min. Mahirap po talaga kasi kulang din 'yung allowance na binibigay ng amo namin. Gusto namin mangyari kahit papaano, mabayaran naman kami kaagad agad kasi wala pong pera talaga," sabi ni Opiana.

Ayon naman sa isa pang bus driver na si Winifredo Lucban, naapektuhan ang kanilang pagtatrabaho sa kawalan ng regular na sahod.

"Nakakatamad po talaga sa totoo lang 'pag naghihintay ka ng matagal na araw tapos wala namang sahod. Eh umaasa lang kami minsan sa allowance… Tinitipid-tipid namin sa maghapon. Noong una [isang buwan] wala. Minsan naranasan pa namin inabot ng isa't kalahating buwan [walang sahod]," sabi ni Lucban.

Kung matatandaan, nauna nang sinabi ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na inaayos na nila ang pagbayad sa mga bus operator at sa katunayan umano ay nadagdagan pa ang mga tumatakbong bus sa EDSA Bus Carousel.

Pero hanggang Disyembre 31 na lang ang programa.

Nabanggit noon ng mga awtoridad na plano nilang isapribado ang serbisyo matapos di aprubahan ng Department of Budget and Management ang mungkahing P12 bilyong pondo para dito sa 2023.

Ayon sa LTFRB, umaabot sa P10 milyon hanggang P12 milyon ang nagagastos nila para sa libreng sakay sa EDSA Bus Carousel araw-araw.

Hindi naman masama ang ginagawang hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang ating mga kababayang nahihirapang bumiyahe ngayong mga panahon na ito, pero sana naman ay pansinin rin ng pamahalaan ang hinaing ng mga bus drivers.

Sana ay magawan ng paraan ng pamahalaan na balansehin ang mga kailangan ng mga mamamayan at ng mga bus drivers natin.

Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on our social media

Facebook: @tribunephl

Youtube: TribuneNow

Twitter: @tribunephl

Instagram: @dailytribunephl

TikTok: @dailytribuneofficial

Viber: https://shorturl.at/agnZ6

Related Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph