Connect with us
Click me!

Concept News Central

Handa na ba kayo?

TDT

Published

on

Marami ang nagulat sa mga naging pahayag ni Pope Francis kaugnay sa usapin ng same-sex union at nagdulot ito ng isang malawakang debate dito sa bansa na karamihan sa populasyon ay mga saradong Katoliko.

Iba-iba ang naging pananaw ng mga mamamayan kaugnay sa usapin, at kung tatanungin mo ang mga tinatawag na “old school” Catholics ay siyempre, tutol ang mga ito dahil taliwas umano ito sa turo ng Simbahan ang nga Bibliya.

Ang iba naman – yung mga mayroon nang liberal na pag-iisip – ay natuwa sa pahayag ng Santo Papa dahil siyempre, talaga namang kakaiba at taliwas sa doktrina ang naging pahayag niya.

Pero kung sisipating mabuti, mukhang hindi pa talaga handa ang mga Pinoy na payagan na sa bansa ang same-sex union.

Kasi naman, kung diborsyo nga – na tayo na lang ang wala pa bukod sa Vatican – ay hindi matapos-tapos ang debate, ito pa kayang usapin na kakaiba sa nakasanayan?

Ayon sa isang isang family law expert, hindi pa handa ang mga Pinoy sa same-sex union dahil bagama’t marami nang isinusulong na batas para sa LGBTQ+ community, nananaig pa rin ang pagiging tradisyonal pa rin ang mga Pinoy kaya hindi pa ito masyadong tanggap.

Sinabi rin ng family law expert na si Soledad Mawis na dapat proteksiyonan ang nasa same-sex partnership at dapat magkaroon ng batas sa co-ownership lalo’t hindi kinikilala ng batas ang same-sex marriage.

“Dapat paghandaan ‘yan dahil itong mga tao naman ay nagmahal din po. Dapat ho magkaroon naman sana ng malinaw na batas kung saan sila ay maproteksiyonan,” saad ni Mawis sa isang panayam.

Samantala, ang abogadong si Katrina Legarda naman ay naniniwalang kailangan ng partikular na batas kahit kinikilala ang same-sex cohabitation sa Family Code, partikular dahil sa isyu ng ari-arian, bank account at mga pribelehiyong nakukuha ng married couples.

Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni Legarda na mismong si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen ang nagsabing wala sa Konstitusyon ang pagbabawal sa same-sex marriage.

Dagdag niya, hindi rin siya magugulat kung maglabas ng pananaw ang Korte Suprema dahil maraming batang mahistrado at dahil na rin sa family decisions kamakailan.

“There is nothing in the Constitution which prevents it kasi ‘yung description ng family sa Constitution hindi husband-wife. Sometimes, we just have to wait for the Supreme Court to come out with something beautiful again,” saad ni Legarda.

Kung ano man ang kahinatnan ng usaping ito, siguro ang mas magandang isipin na lamang dito ay ang pakikipag-kapwa tao dahil sa huli, kahit anong kasarian pa iyan, tao pa rin tayo na may karapatan.

Advertisement
Advertisement
Advertisement