Connect with us

Concept News Central

Saklolo sa taklobo

TDT

Published

on

Sa kabila ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa na nagdulot ng kawalan ng trabaho at unti-unting pagbagsak ng ekonomiya, marami pa rin sa ating mga kababayan ang hindi mapigil ang pagsasamantala sa nangyayaring pandemya.

Kamakailan lang, natimbog ng mga otoridad ang isang lalaki na may dalang isang toneladang giant clams na nagkakahalaga ng P2.5 milyon sa Purok Bagong Lipunan, Barangay Teresa sa Narra, Palawan.

Ang Tridacna gigas – o mas kilala bilang giant clam o taklobo – ay itinituring nang endangered species at sobrang baba ng survival rate nito na nasa.01 tsansa lamang.

Sa pagsasagawa ng operasyon ng Philippine National Police Maritime Group 2nd Special Operations Unit, nasakote ang suspek at nabawi ang mga taklobo na itinuturing na ring threatened species sa red list ng International Union for Conservation of Nature.

Ang mga taklobo ay nakakatulong sa mga lamang-dagat at sa pagpaparami ng isda sa mga karagatan, at ang kumakaunting bilang ng mga ito ay talaga namang nakakaalarma dahil ang pagkawala ng mga ito ay makakaapekto ng lubusan sa karagatan.

Sa mga panahong ito, mayroon nang mga programang nailunsad upang mapangalagaan at maprotektahan ang mga taklobo, gaya ng “String-of-Pearls Project” na isinagawa ng Malampaya Foundation, Inc. (MFI).

Noong isang taon, nakapag-produce ang MFI ng lampas siyam na milyong itlog ng mga taklobo sa West Philippine University (WPU) Hatchery sa Puerto Princesa City sa Palawan.

Itinuturing ang mga taklobo bilang “largest living immobile bivalve mollusk in the world” at ang ilan sa mga ito ay matatagpuan sa Dos Palmas, Palawan at sinasabing mas malaki pa kaysa sa mga nakikita sa Pacific Islands.

Ayon sa mga pag-aaral, napakahirap umanong paramihin ang mga ganitong klaseng lamang-dagat dahil talagang bibihira na ang natitira sa mga ito na kailangan upang mapanatili ang “balanced ecosystem” sa mga karagatan.

Marahil ay dala na rin ng kahirapan at kawalan nang mapagkukunan ng kita bunsod ng pandemya ang nag-udyok sa suspek na pumasok sa ganitong ilegal na gawain, pero hindi tama at talagang nakababahala na handa nang sirain ang kalikasan para lamang kumita.

May iba namang paraan upang magkaroon ng disente, legal at maayos na paraan upang kumita at handa rin ang pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga talagang kapos at wala nang mapagkakitaan.

Sana lamang ay isipin ng mga mapagsamantalang tao na kapag nasira ang kalikasan, wala na tayong ibang matatakbuhan.

Advertisement