Connect with us

Concept News Central

Lakers hinablot ang Game 1

TDT

Published

on

Pinagbidahan nina LeBron James at Anthony Davis ang Los Angeles Lakers sa pagsungkit ng 116-98 panalo kontra Miami Heat sa Game 1 ng best-of-seven NBA Finals noong Huwebes.

Kapos na lang ng isang assist si James para makasumite ng triple-double nang magrehistro ito ng 24 points at 13 rebounds para sa Lakers habang si Anthony naman ay may 34 markers, pumitas ng siyam na boards at nagbigay ng limang assists.

Nagdagdag naman si Kentavious Caldwell-Pope ng 13 points para sa Los Angeles.

Mabagal ang naging panimula ng Lakers kung saan naiwan pa sila ng 13 points sa kalagitnaan ng first quarter bago liyaban ang pangkawalang scoring run. Mula rito ay kinontrol na ng Lakers ang laro para sa tambakang panalo sa kanilang unang tapak sa Finals mula noong magkampeon sa likod ni Kobe Bryant noon 2010.

Itinulak ni Davis ang Los Angeles sa kanilang pinakamalaking abante, 87-55, mula sa isang dakdak may 6:04 nalalabi sa ikatlong canto.

Tinapyas ni rookie Tyler Herro ang tambak ng Miami sa 109-96 may 2:31 na lang sa laro ngunit hindi na sapat ang oras para makaporma pa ang Heat, na nagbabalik sa Finals sa unang pagkakataon matapos ang runner-up finish noong 2014.

Pinangunahan ni Jimmy Butler ang Miami sa isinalansang na 23 points, si Kendrick Nun ay may 18 habang umiskor si Herro ng 14. Nalimitahan si Bam Adebayo sa walong puntos at apat na rebounds.

Matapos lumamang 25-12 sa first quarter, nanlamig na ang Heat kasabay ng pagbulusok ng Lakers.

Hindi rin nakatulong sa Heat ang pag-exit nina Goran Dragic at Adebayo dahil sa injuries habang iika-ika naman sa kabuuan ng laro si Butler matapos matapilok.

Advertisement