Connect with us

Concept News Central

GUDJAB DIGONG! —CARPIO

Avatar

Published

on

Matapos ang makasaysayang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa United Nations (UN) General Assembly kung saan iginiit niya ang arbitral ruling sa South China Sea na naipanalo ng Pilipinas laban sa China, umani ng papuri ang Pangulo maging sa kanyang mga kritiko.

Nitong Miyerkules, sinabi ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na ikinatutuwa niya ang sinabi ng Pangulo nang iginiit nito ang pagkakapanalo ng Pilipinas sa usapin sa West Philippine Sea.

Dagdag niya, natuwa rin siya dahil tinanggap ng Pangulo ang suporta ng ibang bansa sa 2016 ruling sa The Hague, Netherlands.

Pero ayon kay Carpio, dapat ay maging polisiya na rin ang posisyon ng Duterte administration ukol sa arbitral ruling maging sa ibang isyu na gaya ng proteksiyon ng exclusive economic zone, negosasyon sa Code of Conduct, at pagkuha ng suporta ng international community para ipatupad ang arbitral award.

“I fervently hope that this is the policy that the Duterte administration will implement across all levels – in the protection of our exclusive economic zone in the West Philippines Sea, in the negotiations for the Code of Conduct, and in gathering the support of the international community for the enforcement of the arbitral award,” sabi ni Carpio.

Sa talumpati ng Pangulo Martes ng gabi sa Pilipinas – ang kauna-unahang talumpati ni Duterte sa UN General Assembly – ipinaglaban niya ang napanalunang desisyon ng Pilipinas laban sa China sa usapin ng South China Sea sa kabila ng nauna niyang pagtangging hamunin ang China.

“The Philippines affirms that commitment in the South China Sea in accordance with UNCLOS (UN Convention on the Law of the Seas) and the 2016 Arbitral Award,” sabi ni Duterte.

“The award is now part of international law, beyond compromise and beyond the reach of passing governments to dilute, diminish or abandon. We firmly reject attempts to undermine it,” dagdag niya kasabay ng pagpapasalamat niya sa ibang bansa na sumusuporta sa ruling.

Si Senador Panfilo Lacson naman, sinabing malinaw na ngayon kung saan nakapanig ang Pilipinas pagdating sa isyu ng West Philippine Sea at umaasa ang senador na narinig ng China ang talumpati ni Duterte, lalo pa’t wala nang iba pang interpretasyon ang puwedeng ibigay sa kaniyang naging pahayag.

Ayon naman kay dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, ang paggiit ng Pangulo sa arbitral award ay pagtalima sa itinakda ng Konstitusyon na protektahan ang soberanya ng bansa.

Mahalaga aniya na madagdagan ang mga bansang sumusuporta sa ruling para mas maigiit ito sa 2021 UN Assembly.

Advertisement