Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Thunder sumalto sa Bucks

James Pacala · Nov 30, 2026, 1:56 AM

Kasalukuyang nakabaon sa ikaapat na sunod na pagkatalo ang 2024-25 champions na Oklahoma City Thunder matapos silang talunin ng Milwaukee Bucks, 119-111, nitong Linggo, 29 Nobyembre.

Mula sa pagiging isa sa mga koponang kinatatakutan sa buong liga, nasa ika-10 puwesto na ngayon sa Western Conference ang Thunder taglay ang 10-10 kartada.

Noong nakaraang linggo, sunod-sunod silang pinataob ng Miami Heat, Minnesota Timberwolves, Indiana Pacers at ngayon ay ng Bucks, na nasa ilalim ng Eastern Conference.

Sa kabila nito, patuloy na binubuhat ni Shai Gilgeous-Alexander ang opensa ng koponan matapos magtala ng 34 puntos at walong assists kontra Milwaukee.

Malaking dagok sa Thunder ang sunod-sunod na injury ng kanilang mga pangunahing manlalaro. Nagsimula ang problema nang magtamo ng fractured left fibula at ankle injury si Jalen Williams noong 25 Oktubre. Sumailalim siya sa operasyon at muling susuriin ang kanyang kondisyon bago matapos ang 2026-27 regular season.

Hindi rin nakapaglaro kontra Bucks sina Chet Holmgren dahil sa right knee injury, Cason Wallace na sumailalim sa shoulder surgery, Jaylin Williams dahil sa back spasms, at Nikola Topic dahil sa hip strain. Kabilang din sa injury list sina Thomas Sorber at Aday Mara.

Pitong manlalaro ang nakalista bilang out sa injury report bago ang laban, dahilan upang mas umasa ang Thunder kay Gilgeous-Alexander at sa natitirang healthy players.

Malayo ito sa dating anyo ng Oklahoma City, na naging isa sa mga pangunahing koponang hinahangaan sa NBA dahil sa lalim ng roster at lakas ng kanilang depensa. Ngayon, kailangan nilang humanap ng paraan upang makabalik sa panalo habang hinihintay ang paggaling ng kanilang mga manlalaro.