DYARYO TIRADA
Bea Millan-Windorski public service puntirya
Handa nang tahakin ni Miss Universe Asia 2026 Bea Millan-Windorski ang bagong yugto ng kanyang buhay matapos kumpirmahin na wala na siyang balak sumabak pa sa alinmang beauty pageant, at sa halip ay nakatuon na sa pagsisilbi sa bayan.
Sa isang panayam kay Reigna, ibinahagi ng Filipina beauty queen ang lubos na pasasalamat sa katuparan ng kanyang pangarap sa mundo ng pagandahan habang inilalahad ang hangaring makatulong sa mga programang pangkalikasan ng bansa.
“I am so happy to be living my dream job of Miss Universe Philippines. Um, and I will be starting my next venture of working hopefully within the Philippine Climate Change Commission or the Department for Environment and Natural Resources,” ani Bea.
Kilala sa kanyang adbokasiya para sa pangangalaga ng kalikasan at pagkilos laban sa pagbabago ng klima, binigyang-diin ni Bea na mas malalim ang kanyang layunin kaysa sa pagsusuot ng korona at pagdadala ng bandila ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.
“More than being a beauty queen, I feel like my true advocacy and calling is being a public servant for the Filipino people,” dagdag niya.
Bagama’t isinasara na ang kabanata bilang kandidata sa mga patimpalak ng kagandahan, nananatiling buo ang dedikasyon ni Bea para sa bansa. Sa pagkakataong ito, nais niyang mag-iwan ng marka hindi sa pamamagitan ng panibagong korona, kundi sa pamamagitan ng makabuluhang serbisyo publiko at adbokasiya para sa kalikasan.