Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Padilla sumabog sa DPWH 2027 budget hearing

Marie Cris Estrada · Nov 29, 2026, 3:27 AM

JAZzY LIZzY

Uminit ang ulo ni Senador Robin Padilla sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) madaling-araw nitong 28 Nobyembre dahil sa umano’y P100 milyong hinihinging pera kaugnay ng North Luzon East Expressway (NLEE) project.

Kinuwestiyon ni Padilla kung bakit halos dalawang dekada nang natetengga ang proyekto na isinusulong pa noong 2007, gayong wala na aniyang kailangang gastusin ang gobyerno dahil isasagawa ito sa ilalim ng public-private partnership (PPP).

“Tutal, madaling-araw na, magderetsahan na po tayo. May humihingi po kasi ng pera dito. Huwag na po tayo maglokohan, mainit na ulo ko eh. Umaga na!” saad ni Padilla.

Bukod sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko, inaasahan ding makatutulong ang NLEE project sa flood mitigation at pag-iimbak ng tubig.

“Talaga bang maglolokohan na lang tayo dito? PPP ito. Walang gastos ang gobyerno dito... ano pang problema? Ano pang legal na problema? Binigay na nga lahat,” giit ni Padilla.

Paliwanag naman ni Senador JV Ejercito, chairperson ng Senate Committee on Finance, may mga legal na requirement na kailangan pang matugunan ang proyekto, kabilang ang posibleng muling pagsusumite ng project proposal sa ilalim ng PPP Code.

“Uulitin po lahat nila, ginoong sponsor? Ibig n’yo pong sabihin, 2007, 2027, uulitin nila lahat? Ginoong sponsor naman. Grabe naman… talaga bang ganito na lang ’yung bansa natin?” saad ni Padilla.

Nauna ring nagpahayag ng pagkadismaya si Padilla sa kalagayan ng mga residente sa Pampanga at Bulacan na halos isang taon nang nakararanas ng pagbaha.

“Talagang ilubog na lang sila sa tubig? O meron pong plano ang gobyerno para po sa ating mga kababayan sa Pampanga at sa Bulacan?” tanong ng senador.

Paliwanag naman ni Ejercito, target ng DPWH na magtayo ng limang sabo dam sa Sierra Madre, na inaasahang sisimulan ang procurement sa Abril 2027.