DYARYO TIRADA
P50K hinihinalang shabu, nasamsam
Isang 37-anyos na mangingisda ang naaresto matapos makumpiskahan ng halos P50,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Barangay Sumbiling, Bataraza, Palawan, nitong Biyernes ng gabi, 27 Nobyembre.
Kinilala ng Palawan Police Provincial Office (PalPPO) ang suspek sa alyas na “Macky,” residente ng Barangay Puring, Bataraza.
Naaresto ang suspek dakong alas-8:10 ng gabi matapos umanong magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer.
Narekober din ng mga awtoridad ang dalawa pang sachet, kaya umabot sa 7.34 gramo, kasama ang packaging at marking tape, ang kabuuang timbang ng nasamsam na droga. Tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng P49,912.
Narekober din ang isang leather pouch at buy-bust money.
Pinangunahan ng Bataraza Municipal Police Station ang operasyon, katuwang ang mga provincial police unit at sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Mimaropa.