DYARYO TIRADA
Greg Slaughter, balik-PBA?
Huling sumalang sa Philippine Basketball Association (PBA) ang seven-foot-tall na si Greg Slaughter noong 2021, nang maglaro siya para sa NorthPort Batang Pier sa kasagsagan ng pandemya, kung saan isinagawa ang liga sa isang bubble sa Clark.
Ayon sa report ng columnist at sports analyst na si Quinito Henson, ganap nang unrestricted free agent si Slaughter at maaari nang pumirma sa alinmang team na may interes sa kanya.
“PBA legal counsel Atty Ogie Narvasa has confirmed that Greg Slaughter is an unrestricted free agent & may sign with any team.” saad ni Quinito sa kanyang social media account matapos siyang mismong tanungin ng manlalaro.
Ito ay matapos kanselahin ng PBA ang prangkisa ng Titan Gel Ultra, na ayon sa report ay dahil sa hindi pagsisiwalat ng financial status ng koponan.
Ayon din kay Henson, may nakasalang nang bagong koponan na posibleng pumalit sa Titan, ngunit hinihintay pa ang approval ng PBA Board.
“Cancelled na Titan franchise for inability to disclose financial status,” saad ni Henson.
“P100M bond will be used to settle player contracts, mtg with players in PBA ofc on December 2, dispersal draft imminent, new team under discussion but all subject to PBA Board approval,” paglalahad niya.
Maraming fans ang nabuhayan ng pag-asa dahil sa posibilidad na makabalik sa pambansang liga ang talentadong sentro matapos ang limang taong pagkawala sa PBA.
Matatandaang palipat-lipat ng koponan si Slaughter matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa NorthPort management kaugnay ng kanyang kontrata.
Lumipad si Greg patungong Japan upang maglaro para sa Rizing Zephyr Fukuoka sa Japan B.League Division 2 mula 2022 hanggang 2024. Bumalik siya sa bansa upang sumabak sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), kung saan naglaro siya para sa Manila SV noong 2024 at Basilan Starhorse noong 2025.