DYARYO TIRADA
Gabundok na dagok!
Sa panahon ngayon, tila kailangan pang mag-viral bago kumilos ang gobyerno.
Iyan ang mapait na realidad na ramdam ng maraming Pilipino—mga suliraning nabibigyan lamang ng pansin at aksyon kapag nalantad na sa publiko, binatikos, at pinag-usapan online. Gaya na lamang ng viral na Capitan Bayong Bridge o Dila Bridge sa Impasug-ong, Bukidnon.
Sa mga kumalat na larawan at video, nakatayo nang buo ang tulay ngunit walang dumadaang sasakyan. Paano naman daraan ang mga motorista kung sa dulo nito ay nakaharang ang bundok at wala pang dugtong na kalsada?
Nakakapanlumo, at nakakapagpakamot-ulo, ang sunod-sunod na pagkadismaya sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.
Ang tulay na ito ay bahagi ng 169-kilometrong Sayre Highway Parallel Road II project na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA), na layong pagdugtungin at pagbutihin ang biyahe sa pagitan ng Northern Mindanao at Soccsksargen.
Nang mabukalkal at mag-viral ang dalawang taon nang nakabinbing proyekto, saka lamang nagpaliwanag si DPWH Secretary Giovanni Lopez nitong Huwebes. Aniya, naglaan ang ahensya ng P55 milyon sa panukalang 2027 budget para sa pagpapatuloy nito, matapos umanong huling mapondohan noong 2023 at hindi na umusad sa sumunod na mga taon.
Kung tutuusin, bagama’t umani ng gabundok na shares, reactions, at komento ang isyu, hindi na nagulat ang publiko. Kung ang paulit-ulit na pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa ay nasisikmura ng mga nasa kapangyarihan, ano pa ang isang matayog na tulay na walang patutunguhan?
Nasanay na ang taumbayan, pero hindi ito magandang senyales. Ipinapakita nito ang patuloy na pagguho ng tiwala ng mga botante na napupunta sa tamang landas ang kanilang buwis. Mas madaling isiping nagpapagewang-gewang ang pondo at tumatawid nang patago sa bulsa ng iilan.
Matiisin ang Pilipino, kayang maghintay at dumiskarte. Ngunit kapag harap-harapan nang nilulustay ang pinagpaguran ng bayan, mag-iingay at mag-iingay ang publiko. Mangangalampag ng sagot at hahanap ng pananagutan.
Sapagkat ang imprastraktura ay hindi lang basta kalsada o tulay. Ito ay usapin ng kabuhayan, mas mabilis na palitan ng kalakal, at kaunlarang hindi dapat umiikot lamang sa Kamaynilaan. Hindi dapat hinihintay pang mag-viral ang kapabayaan bago kumilos ang gobyerno.