Daily Tribune

DYARYO TIRADA

‘Bring Digong home, protect Bato’

Edjen Oliquino · Nov 29, 2026, 3:21 AM

FORMER Philippine President Rodrigo Duterte

Hinimok nina Senador Imee Marcos at Senador Robin Padilla ang administrasyon na kumalas na sa International Criminal Court (ICC) at itigil ang pagsusumikap na ipatupad ang warrant of arrest laban kay Senador Bato dela Rosa.

Iginiit ni Marcos na hindi kailangang i-outsource ang hustisya sa isang hukumang matagal nang nilisan ng bansa.

Ang panawagan, na nakapaloob sa Senate Resolution 797 na inihain nitong Huwebes, ay kasunod ng pagbasura ng Korte Suprema sa mga petisyong kumukwestiyon sa pag-aresto at paglipat kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague noong 25 Marso, nakaraang taon.

Ginamit na batayan ng resolusyon ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 2019 upang itigil ang pagsuko kay Dela Rosa at hilingin ang agarang pagpapalaya at pagpapauwi kay Duterte sa Maynila bago ang nakatakdang paglilitis sa kanya sa Lunes, 30 Nobyembre.

Pinangalanan ng ICC si Dela Rosa bilang kasabwat ni Duterte sa kasong crimes against humanity bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na nanguna sa madugong giyera kontra droga.

Kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad si Dela Rosa na may patong sa ulo na P50 milyon.

Iginiit nina Marcos at Padilla—na kilalang malalapit na kaalyado ng mga Duterte, na ang patuloy na pakikipagtulungan sa ICC ay paglabag sa Artikulo II ng Konstitusyon.

Hiniling din nila na tularan ng pamahalaan ang paninindigan ng Estados Unidos, Russia, at China laban sa panghihimasok ng ICC.

Matatandaang kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute sa utos ni Duterte noong Marso 2018, isang buwan matapos maglunsad ang ICC ng preliminary examination sa mga pagpatay sa drug war.

Naging epektibo lamang ito noong Marso 2019 dahil sa isang taong palugit ng korte. Gayunpaman, naninindigan ang ICC na may hurisdiksyon pa rin ito sa mga krimeng naganap bago ang pagkalas ng bansa.