Daily Tribune

DYARYO TIRADA

2027 DPWH budget binusisi

Marie Cris Estrada · Nov 29, 2026, 3:13 AM

SENATOR Ping Lacson

Kinuwestiyon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pamamahagi ng pondo para sa ilang infrastructure projects sa isinagawang deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Partikular na hinimay ni Lacson ang hindi pantay na pamamahagi ng mga multipurpose building project sa mga lokal na pamahalaan at ang pare-parehong alokasyon sa bawat rehiyon para sa pagtatayo ng mga evacuation center.

Sa datos na inilahad ng senador, umabot sa P760 bilyon ang inilaan para sa mga multipurpose building mula 2012 hanggang 2026.

Sa kabuuang 79,816 multipurpose building projects, 53,865 o 67.5 porsiyento ang napunta sa mga first-class local government unit (LGU), habang 976 o 1.2 porsiyento lamang ang napunta sa mga fifth-class LGU.

Kinuwestiyon din ni Lacson ang panukalang P180 milyong alokasyon sa bawat rehiyon para sa pagtatayo ng mga evacuation center, dahil aniya, nasa P70 milyon lamang ang standard construction cost ng bawat pasilidad.

Paliwanag naman ni Senador JV Ejercito, tinatayang P90 milyon ang halaga ng bawat evacuation center dahil isinaalang-alang din ang pagtatayo ng mga pasilidad sa mga lugar na mahirap abutin o tayuan.