Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Kaunting konsiderasyon naman

[KOLUM]

Yuko Shimomura · Nov 27, 2026, 10:36 PM

ANALY LABOR

Ayoko sa mga kup*l na driver at rider.

Kalbaryo na ngang maituturing ang pagko-commute sa bansa, minsan, ang mga masasakyan mo pa ay mapagsamantala. Unahin na natin ang mga tricycle at e-bike driver na mahilig managa ng mga pasahero pagdating sa pamasahe. Nakakainis isipin na kahit bago ka lang sa isang lugar, kailangan mo pang umasta na parang lokal para lang hindi ka masingil nang sobra. Para bang kailangan mo munang kabisaduhin ang buong ruta bago ka makasakay nang hindi nalalamangan.

Mapapaisip ka rin kung bakit may mga e-bike driver na mas mataas pa kung maningil kumpara sa mga tradisyonal na de-motor na tricycle, gayong mas matipid sa enerhiya ang mga electric vehicle. Naiintindihan naman na may iba’t ibang gastusin ang bawat driver, pero hindi iyon dapat maging dahilan para basta-basta na lang magpresyo ng pamasahe. May mga pagkakataong mas mahal pa ang maikling biyahe kaysa sa inaasahan mong babayaran mo para sa mas malayong destinasyon. Ang masaklap, wala ka ring masyadong magagawa kundi makipagtawaran o tanggapin ang singil dahil kailangan mong makarating sa pupuntahan mo.

Pagdating naman sa mga jeep, nariyan ang mga driver na kung magsakay ng pasahero ay parang 50-seater ang kanilang pampasada. Bilang pasahero, naiintindihan ko naman na mabigat ang gastos sa gasolina at boundary, kahit pa may mga pagkakataong nagkakaroon ng kaunting rollback sa presyo ng langis. Pero sana, magkaroon din naman ng konsiderasyon sa mga taong sumasakay. Bukod sa hindi na komportable ang biyahe dahil sa sobrang siksikan, inilalagay rin sa alanganin ang kaligtasan ng mga pasahero. Nakakabanas rin kapag late ka na nga ay mas mapapatagal pa yung biyahe kakahintay sa mga pasaherong pilit na isisiksik sa loob ng jeep na wala na ngang espasyo.

Mahirap maging tsuper, pero mahirap din maging pasahero sa ganitong sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa. Tumataas ang presyo ng gasolina, nadaragdagan ang pamasahe, pero kapag bumababa naman ang presyo ng langis, tila walang katumbas na bawas sa singil. Gets naman na hindi kalakihan ang ilang rollback at hindi rin basta-basta nababawi ang iba pang gastusin sa pamamasada. Pero sana, magkaroon din ng patas na konsiderasyon sa mga pasahero. Hindi naman puwedeng ang mga commuter ang laging sasalo sa bawat pagtaas ng gastusin habang walang katiyakan kung makakakuha sila ng maayos, ligtas, at makatarungang serbisyo.

Alam ko rin naman na hindi dapat mga pasahero at driver ang nagbabangayan sa ganitong sitwasyon. Sa totoo lang, pare-pareho lang tayong apektado ng mataas na presyo ng langis, mababang sahod, at kakulangan sa maayos na pampublikong transportasyon. Ang ugat ng problemang ito ay ang bulok na sistema ng transportasyon sa bansa, kung saan parehong nahihirapan ang mga bumibiyahe at ang mga naghahanapbuhay sa kalsada. Pero hindi rin natin maikakaila na may mga driver at rider na ginagamit ang sitwasyon para maging mapagsamantala.

Kaya ang punto ko lang: huwag sanang gawing dahilan ang pagtaas ng presyo ng gasolina para managa ng pamasahe, magsakay nang sobra sa kapasidad ng sasakyan, o balewalain ang kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero. Hindi kasalanan ng commuter kung mahal ang gasolina, kung mababa ang kita ng driver, o kung palpak ang sistema ng transportasyon sa bansa. Lahat tayo ay naghahanapbuhay at nagsisikap makarating sa ating mga destinasyon. Hindi naman sobra ang hinihingi ng mga pasahero. Makatarungang pamasahe, maayos na serbisyo, at kaunting konsiderasyon lang naman.