Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Bakit namin babayaran iyan?

[EDITORYAL]

DT · Nov 26, 2026, 10:05 PM

Alan Peter Cayetano

Nabalitaan mo na ba? Nais ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na bigyan ng pagkakataon ang mga generous na Filipino na kusang mag-ambag upang mabayaran ang utang ng bansa.

Tinatayang P170,598.03 ang katumbas na bahagi ng bawat Filipino kung hahatiin ang kabuuang utang sa populasyon.

Sa kaniyang talumpati sa Senado habang tinatalakay ang panukalang pambansang badyet para sa 2027, tinanong ni Cayetano kung may mekanismo ba para sa mga nais magbayad ng bahagi ng utang. Sumagot si Senate Finance Committee chairperson JV Ejercito na wala.

Batay sa pagtaya ni Cayetano, nasa P19.88 trilyon ang utang ng Pilipinas. Kung hahatiin ito sa 114.93 milyong mamamayan, lalabas na nasa P170,598 ang bahagi ng bawat isa.

Kung iisipin nating mabuti, bakit tila nagiging kasalanan pa ng mga Pinoy ang utang na hindi nila nilikha? Bakit sila muling hihingan ng pera para sa mga obligasyong dapat pinangangasiwaan ng pamahalaan?

Nilinaw ni Cayetano na boluntaryo ang kaniyang mungkahi. Ginamit pa niyang halimbawa ang South Korea, kung saan nagbigay umano ng mga alahas at kayamanan ang mga mamamayan upang makatulong sa pagbabayad ng utang ng bansa.

Binigyang-diin din niya na dapat kasabay nito ang maayos na pamamahala sa pambansang badyet at maingat na pagpili sa mga uutanging pondo. Taon-taon, nangungutang ang pamahalaan upang pondohan ang pambansang badyet na isinusumite at tinatalakay sa Kongreso, kabilang ang Senado.

Dapat tiyaking makatwiran ang interes ng mga pautang at ginagamit ang mga ito sa produktibong layunin.

Tinanong pa ni Cayetano kung bakit siya magbibigay ng P170,598 kung patuloy lamang na uutang ang pamahalaan at mananakaw din ang pera. Gayunman, sinabi niyang handa siyang magbayad at manghikayat ng iba kung magtatatag ang gobyerno ng mekanismo para rito, sa pag-asang makabuo ng kilusan para sa bansang malaya sa utang.

Magandang pakinggan ang diwa ng bayanihan. Ngunit kung kinikilala ng senador na maaaring manakaw ang perang ibibigay ng mamamayan, bakit paghingi ng dagdag na ambag ang isa sa mga solusyong naiisip niya?

Hindi ba dapat unahin ang pananagutan ng mga nagpalobo sa utang at ang paniniguro na napunta sa tama ang bawat pisong hiniram?

Hindi naman ipinanganak kahapon ang mga Pinoy upang basta kumbinsihing maglabas muli ng pera para sa problemang hindi nila nilikha. Kahit may kakayahang magbigay ang ilan, hindi nangangahulugang dapat nilang akuin ang responsibilidad ng pamahalaan.

Bawat piso ay mahalaga sa mga Pinoy. Ito ang laging idinidiin ng mga mambabatas tuwing tinatalakay ang pambansang badyet. Kaya nakapagtataka kung bakit mula pa sa isang beteranong senador nanggaling ang mungkahing ito.

Tama si Ejercito: Sa pagbabayad pa lamang ng buwis ay nagagawa na ng mga mamamayan ang kanilang ambag sa pagpapatakbo ng bansa. Kung may dapat hingin sa taumbayan, hindi ito dagdag na bayad sa utang. Dapat panagutin ang mga sangkot sa korupsiyon, tiyaking napakikinabangan ng publiko ang pondong hiniram, at pigilan ang mga gawaing nagpapabaon sa bansa sa utang.

Bago tanungin kung paano makapag-aambag ang mga Pilipino sa pagbabayad ng utang ng Pilipinas, mas makabubuting itanong muna kung bakit patuloy tayong nangungutang at kung sino ang dapat managot.