Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Tim Cone kuntento sa Gilas performance

DT · Nov 25, 2026, 11:52 PM

Photograph courtesy of FIBA

Nagpahayag ng kasiyahan si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa ipinakitang laro ng pambansang koponan matapos nilang talunin ang Malaysian club team na KL Hornbills sa kanilang nag-iisang tune-up game ilang araw bago ang fifth window ng FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers.

Partikular na pinuri ni Cone ang mabilis na pakikibagay ng bagong naturalized player na si Bennie Boatwright, na agad umanong nakabisado ang sistema ng koponan sa kabila ng maikling panahon ng pagsasama.

Binigyang-diin din ng coach ang kahalagahan ng tune-up game upang makapaglaro si Boatwright kasama ang iba’t ibang kumbinasyon ng mga manlalaro at masanay ang bawat isa sa kanilang galaw.

Nagsasagawa na ng dalawang ensayo kada araw ang Gilas Pilipinas bilang paghahanda sa torneo, kung saan kumpleto nang nakarating sa Malaysia ang 12-man roster.

Pinakahuling dumating si Boatwright matapos maunang magsimula sa pag-eensayo noong Sabado ang karamihan sa mga miyembro ng koponan.

Kabilang sa delegasyon sina CJ Perez, Juan Gomez de Liaño, Chris Newsome, Troy Rosario, Kai Sotto, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, Mike Phillips, AJ Edu, Boatwright at Quentin Millora-Brown.

Target ng Pilipinas na ma-sweep ang window upang makasiguro ng puwesto sa World Cup mula sa tatlong awtomatikong slot sa Group E o bilang best fourth-placer sa dalawang grupo ng ikalawang round.

Hawak ng Gilas ang 4-4 na kartada sa Group E, kasunod ng magkatablang Iran at Jordan na parehong may 5-3 na marka. Nangunguna sa grupo ang walang talong Australia na may 8-0 na rekord, habang pumapangalawa ang New Zealand na may 6-2.

Unang makakaharap ng Gilas ang Syria sa Biyernes, Nob. 27, bago sagupain ang Iran sa Linggo, Nob. 29.