Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Galanteng gobyerno

EDITORYAL

DT · Nov 25, 2026, 2:05 AM

Kontrobersyal ang ginawang pagtatakip ng plywood sa isang tulay sa siyudad ng Paranaque noong simula ng 2026 ASEAN Summit sa Maynila kamakailan. Ayon sa mga ulat, ito ay upang itago ang maruming estero at mga barung-barong na nakatayo sa gilid roon, upang hindi makita ng mga bisitang banyaga mula sa karatig bansa. Bakit hindi na lamang nilinis ang lugar imbes na takpan ang mukha ng kahirapan, tanong ng mga tagaroon at mga kritiko ng pamahalaan.

Kasama sa pagdaraos ng pagpupulong ng ASEAN ang pagtatanggal sa mga maglalako at naninirahan sa mga bangketa malapit sa paligid ng PICC sa siyudad ng Pasay, Paranaque at Maynila. Bahagi umano ito ng pagsisiguro ng kaligtasan ng mga delegado dahil maaari silang samantalahin ng mga nais manggulo sa kaganapan.

Bilang pampalubag-loob sa mga naperwisyo ng pagsisiguro sa summit, kasama na ang mga manggagawa ng mga pinasarang paresan at kainan, at mga tsuper na pumapasada sa rutang Baclaran-Divisoria, namahagi ng ayudang tigsa-sampung libong piso ang Department of Social Welfare and Development sa mga pinatigil na maghanapbuhay ng limang araw, habang dinaraos ang summit.

Tinatayang mga 2,500 ang nabigyan ng ayudang pera at groserya. Aabot sa P25 milyon ang pinamudmod ng gobyerno sa kanila. Sa laki ng halaga, paanong masasabing may tinatagong kahirapan ang bansa?

At barya lang ang P25 milyon sa naiulat na P23 bilyong gastos ng pamahalaan sa pagdaraos ng ASEAN Summit. Tila astang galanteng hermano mayor ng malaking pista ang ipinakita at ipinaramdam ng pamahalaan. Hindi naman masasabing luho ito dahil kailangang paswelduhin ng ilang araw ang 23,000 pulis na inatasang magbantay at magpanatili ng kaayusan at kaligtasan sa paligid ng PICC at sa hiwalay na venue sa Cebu City.

Hindi maikakaila na sadyang magastos ang pagdaraos ng summit na lalahukan ng mga lider ng ibang bansa. Bilyun-bilyong piso ang huhugutin sa pitaka ng bayan. Ngunit kung may ganito kalaking paggasta ang pamahalaan, bakit may mga reklamong tinatago ang kahirapan.

Sinabi ni Senador Ping Lacson na hindi dapat sisihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mabagal na takbo ng ekonomiya, isang dahilan ng paghihirap ng mga mamamayan, sa digmaan sa Middle East dahil apektado rin mga bansang ASEAN subalit napanatili nilang masigla ang kanilang ekonomiya.

Sa kabila nito, hindi naging galante ang mga kapitbahay ng Pilipinas nang sila ang nagdaos ng ASEAN Summit. Pinalayo lang ng pamahalaang Cambodia ang mga naglalako malapit sa pagdarausan ng 2022 ASEAN Summit sa Phnom Penh at hindi sila nagbigay ng ayuda.

Sa ASEAN Summit naman sa Jakarata noong 2023, inutasan lamang ng pamahalaan ang kapulisan na bantayang maigi ang mga nagtitinda sa lansangan.

Pinasara naman ng pamahalaan ng Laos ang night market sa kabisera nang sila ang maging host ng 2024 ASEAN Summit, walang binigay na ayuda sa mga naapektuhang negosyo. Marahil tanda ito ng kanilang pagtitipid.

Kung ganoon rin marahil ang ginawa ng Pilipinas at walang pakunswelo sa mga pinatigil maghanapbuhay, hindi matutuwa ang mga vendor sa Pasay, Paranaque at Maynila. Masaya pa rin sila dahil kahit paano ay may P10K sila.