Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Miley Cyrus muling kinasal!

Abegail Esquierda · Nov 23, 2026, 11:38 PM

Tila “love is sweeter on the second time around” ang tema ng pop star na si Miley Cyrus nang muli nitong ibigay ang kanyang matamis na “I do” sa rock drummer ng bandang Liily na si Maxx Morando sa isang intimate wedding sa Palm Springs, California.

Ibinahagi ni Miley sa social media ang mga larawan ng kanilang kasal, kung saan makikita ang dalawa na magkayakap sa harap ng puting backdrop na may palm tree sa likuran at isang malaking aso sa kanilang paanan, habang sa isa pang kuha ay naghahalikan sila sa gitna ng mga puting rosas.

Caption ng mang-aawit, “M + M . 11.21.26.”

Nakapustura ng itim na tuxedo at shades ang 28-anyos na groom, habang naka-long-sleeve silk Saint Laurent gown naman ang 33-anyos na bride na likha ni Anthony Vaccarello.

Dumating ang kasal matapos ang kanilang limang taong relasyon na nagsimula noong 2021, kasunod ng kontrobersyal na hiwalayan nina Miley at Liam Hemsworth noong Agosto 2019—halos isang taon matapos ang kanilang kasal noong Disyembre 2018. Naging opisyal naman ang kanilang diborsyo noong Enero 2020.