Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Joy Barcoma bumoses sa PBB livestreaming issue

Marie Cris Estrada · Nov 22, 2026, 11:19 PM

Joy Barcoma FB

May say si Miss Earth Philippines 2025 Joy Barcoma sa kontrobersiya na kumakalampag ngayon sa Pinoy Big Brother: Celebrity Collab 3.0 matapos ang ikalawang eviction night ng reality show.

Kasabay ng paglabas nina Kapuso talent Nicole Fortuna at Kapamilya star Cianne Dominguez sa Bahay ni Kuya, inanunsiyo rin ng ABS-CBN at GMA Network na ititigil na ang livestreaming ng naturang reality show dahil sa mga insidente ng online harassment at pagpapakalat ng spliced clips mula sa mga kaganapan sa loob ng bahay.

Nauna nang nakatanggap ang Movie and Television Review and Classification Board ng mahigit 1,300 reklamo kaugnay ng ilang eksena at interaksiyon ng mga housemate. Kabilang din ang National Council on Disability Affairs sa mga organisasyong nagpahayag ng concern sa ilang kontrobersiyang kinasangkutan ng programa.

Sa serye ng posts sa Threads, kinuwestiyon ni Barcoma ang pananagutan ng mga television network sa pagbuo ng mga naratibo tungkol sa kanilang mga kalahok, gayundin ang pagtrato ng mga manonood sa mga personalidad na napapanood nila sa reality television.

“We are not yet ready for a true ‘reality show,’” pahayag ng beauty queen.

Aniya, kailangang managot ang mga network sa mga kuwentong kanilang binubuo at sa posibleng epekto nito sa buhay ng mga taong sangkot.

Binigyang-diin din niya na dapat maunawaan ng mga manonood na ang mga housemate ay totoong tao na may kani-kaniyang pagkukulang, saloobin at personal na buhay sa labas ng programa.

Inamin ni Barcoma na minsan din siyang nakisangkot sa ganitong kultura ng panonood bago niya napagtantong may tunay na taong naaapektuhan ng mga komentaryo sa social media.

“I was guilty of feeding into this culture too, until I was reminded that these are real people with real lives outside the house,” aniya.

Para sa beauty queen, nagiging kabalintunaan ang layunin ng reality television na ipakita ang natural na pag-uugali ng tao kung ang mismong mga manonood ay agad na nanghuhusga sa bawat kilos at pananalita ng mga kalahok.

“There is a thin line between callouts and bullying and I think we have already crossed that border,” dagdag niya.

Payo pa ni Barcoma, maaaring punahin ang maling asal nang hindi nauuwi sa pambubully, at maaaring hindi suportahan ang isang housemate nang hindi nagpapakalat ng galit laban dito.

“Next time siguro, sapat na kilig-kilig lang tayo but not impose. Sapat na mang-callout but not bully. Sapat din to not support but not hate,” aniya.

Samatala, ang mga fans naman ay patuloy na nananawagan na i-boycott ang PBB dahil “cooking show” naman daw ito. Maging ang sponsors ng palabas ay dinadamay na sa mga panawagang ito, dahilan upang mas lumala ang usapin sa social media.