Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Bridges, sinagip Knicks sa buzzer-beater

James Pacala · Nov 23, 2026, 12:09 AM

Tinira ni Mikal Bridges (#25) ng New York Knicks ang winning three-point shot habang binabantayan ni Toumani Camara (#33) ng Portland Trail Blazers sa fourth quarter ng kanilang laban sa Madison Square Garden noong 21 Nobyembre 2026 sa New York City. — Photo courtesy of AFP

Umalingawngaw ang sigawan sa Madison Square Garden matapos isalpak ni Mikal Bridges ang buzzer-beating three-pointer upang agawin ng New York Knicks ang 97-96 panalo kontra Portland Trail Blazers nitong Linggo, 22 Nobyembre.

Kinailangan ng Knicks ang isang huling tira upang maisalba ang panalo matapos masayang ang malaking kalamangan na umabot sa 26 puntos sa unang bahagi ng laro.

Nagsimula ang ratsada ng New York sa pangunguna ni Jalen Brunson, na kumana ng limang tres at nagtala ng 19 puntos sa first half. Umabot sa 66-43 ang kalamangan ng Knicks sa pagtatapos ng second quarter.

Gayunman, biglang pumalya ang opensa ng New York pagpasok ng third quarter, bagay na sinamantala ng Portland upang makabalik sa laban. Hindi rin nakatulong sa Knicks ang pagkawala nina Karl-Anthony Towns at OG Anunoby, na kapwa mahalaga sa kanilang opensa at depensa.

Nanguna si Trail Blazers center Donovan Clingan sa paghabol matapos magtala ng 12 sa kanyang kabuuang 22 puntos sa ikatlong yugto. Nakuha ng Portland ang 29-15 scoring advantage sa quarter upang paliitin sa 81-72 ang kalamangan ng Knicks.

Nagpatuloy ang paghabol ng Blazers sa fourth quarter hanggang tuluyang maitabla ni Damian Lillard ang laban sa 94-94 sa pamamagitan ng tres may 1:04 minuto pang nalalabi.

May 3.2 segundo na lamang sa orasan nang ma-foul ni Knicks center Andre Drummond si Deni Avdija, na nagpasok ng dalawang free throw upang ilagay sa unahan ang Portland, 96-94.

Sa huling possession ng Knicks, ipinasa ni Josh Hart ang bola kay Bridges na bumitaw ng isang fallaway three-pointer mula sa left wing habang nag-e-expire ang oras, dahilan upang tuluyang masungkit ng New York ang panalo.

Nanguna si Brunson sa Knicks sa kanyang 30 puntos, habang nag-ambag si Landry Shamet ng 20 at Bridges ng 12.

Sa panig ng Portland, nagtala si Clingan ng 22 puntos at 13 rebounds, habang kumamada si Avdija ng 20 puntos at si Lillard ng 15.