Daily Tribune

DYARYO TIRADA

‘Anti-Sharon Law’

[EDITORYAL]

DT · Nov 22, 2026, 10:50 PM

Usap-usapan ngayon sa social media ang umano’y panukalang batas na “Anti-Sharon Law” o ika nga ay Republic Act No. 14344, kung saan ang sinumang mahuling mag-Sharon o kumuha ng handa mula sa isang salo-salo nang hindi humihingi ng permiso ay maaaring patawan ng multang P5,000 hanggang P25,000.

ITO AY HINDI ISANG TUNAY NA BATAS!

Katuwaan lamang ito ng mga netizen na nag-viral dahil na rin sa kani-kanilang hugot at reklamo sa mga “kapalmuks” na bisita.

Ang salitang “Sharon” ay mula kay Megastar Sharon Cuneta na nagpasikat ng kantang “Bituing Walang Ningning.” Sa tuwing ilalabas na kasi ang mga supot upang mag-take out ng handa ay napapakanta ang mga tao ng, “Balutin mo ako ng hiwaga ng iyong pagmamahal,” na siyang naging theme song na ng mga binansagang “Sharonians” o ‘yung mga mahilig mag-take home.

Bentang-benta ang nasabing fake law sa masa dahil nakaaaliw nga naman kung iisipin.

Pero kung tutuusin, magkahalo rin ang damdaming Pinoy sa pagsha-Sharon. Ang iba ay kinatutuwaan ito dahil parte na nga ito ng kultura, ngunit ang iba naman, lalo na ang mga celebrant—ay may pagkabanas dahil sapat lamang ang kanilang handa. Ang ending, ang may handa na lamang minsan ang nahihiya kung maubusan ng pagkain ang ibang bisita.

Sa mas malalim na usapin at mas malawak na perspektiba, hindi naman madamot ang mga Pilipino. Tayo ay isa sa mga pinakamapagbigay na tao sa mundo, na kahit walang-wala na ay tuloy pa rin sa pagtulong at sa paghahanda para sa isang party, maipadama lamang ang ating pagmamahal.

Ngunit sa kasalatan ng maraming Pilipino, aminado ang marami na nakasasama ng loob ang pagti-take advantage ng mga taong nagbebenepisyo sa bagay na pinag-ipunan mo.

Nakatatawa ngang isipin ang multang umano’y ipapataw sa mga lalabag sa “Anti-Sharon Law,” pero sa mga relasyong Pilipino, ito’y usapin din ng danyos sa puso na hindi mapapantayan ng anumang halaga.

Parang gobyerno lang ‘yan na pinagkatiwalaan ng taumbayan sa buwis, ngunit kung maka-Sharon ay tila inangkin na ang lahat ng biyaya ng Diyos.

Ipinapakita nito kung paanong ang pag-aabuso sa tiwala—maliit man o malaki, ay sumisira sa katarungan at pagkakapantay-pantay. Kapag ang pribadong handaan ay ibinabahagi nang may malasakit, ang pagkuha nang labis nang walang pahintulot ay katumbas ng pag-angkin sa pondo ng bayan na dapat sana ay nagsisilbi sa nakararami.

Hindi galit ang mga Pinoy sa pagbibigay, kundi sa pagmamataas. Sa kasakiman. At sa pagyurak sa karapatan ng iba na matamasa ang parehong kaginhawaan na nasa iilan.

Kaya’t ang bituing walang ningning ay hindi lamang para sa mga naubusan ng pagkain, kundi sa mga pinagkaitan ng mas masaganang buhay sa anino ng mga kurap na opisyal na ang tanging hangad ay pansariling liwanag.