Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Adamson, FEU maghaharap sa SSL Finals

James Pacala · Nov 23, 2026, 12:12 AM

Maghaharap ang Adamson University at Far Eastern University sa finals ng Shakey’s Super League (SSL) — Photo courtesy of SSL

Matira ang matibay para sa Adamson University at Far Eastern University (FEU) matapos kapwa makapasok sa finals ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup.

Umusad ang Lady Falcons matapos pabagsakin ang four-time at defending champion na National University (NU) sa apat na sets, 24-26, 28-26, 25-23, 25-20, sa knockout semifinals nitong Sabado, 21 Nobyembre, sa Ninoy Aquino Stadium.

Samantala, pinatalsik naman ng Lady Tamaraws ang dating walang talong University of Santo Tomas (UST), 25-17, 21-25, 25-19, 25-19, upang makuha ang huling puwesto sa championship series.

Pinangunahan nina Shaina Nitura at Frances Mordi ang Adamson kontra NU, na kapwa nagtala ng 16 puntos upang makasiguro ng unang finals appearance ng Lady Falcons sa torneo.

Nagtala si Nitura ng 14 attack points, isang block at isang service ace, kabilang ang crosscourt hit na nagselyo sa panalo. Nagdagdag naman si Mordi ng 15 puntos mula sa kanyang mga atake.

Bumida naman si Gerz Petallo para sa FEU sa kanyang 22 puntos mula sa 19 attacks, dalawang blocks at isang service ace. Nag-ambag din si Lovely Lopez ng 18 puntos, lahat mula sa attacks, upang tulungan ang Lady Tamaraws na makapasok sa kanilang unang SSL Unity Cup finals.

Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi makakalaro sa championship match ang NU at UST, na kapwa naging finalists noong nakaraang edisyon. Maglalaban ang dalawang koponan para sa bronze medal sa 13 Disyembre.

Gaganapin ang best-of-three finals series sa pagitan ng Adamson at FEU, na may nakatayang P1 milyong premyo para sa kampeon. Nakatakda ang Game 1 sa 6 Disyembre sa Rizal Memorial Coliseum.