DYARYO TIRADA
PJ Simon, pumanaw na
Ipinagluluksa ng buong basketball community ang biglaang pagpanaw ng eight-time PBA champion na si Peter June “PJ” Simon matapos mawalan ng malay habang naglalaro sa isang basketball game sa Davao nitong Biyernes ng gabi.
Sa edad na 46, ikinagulat ng mga marami ang nagtapos ang pagkamatay ng tinaguriang “The Scoring Apostle,” na naglaro sa pambansang liga sa loob ng 16 na season.
Kumalat sa social media ang mga video kung saan makikitang inaalalayan ng kanyang mga kakampi ang retiradong manlalaro habang wala itong malay bago tuluyang isugod sa ospital.
Kabilang si Simon sa isa sa mga pinakamatagumpay na koponan sa PBA, ang San Mig Super Coffee Mixers, na nagwagi ng Grand Slam noong 2014 season.
Tubong Makilala, North Cotabato, pumasok si Simon sa PBA noong 2001 matapos siyang piliin ng Sta. Lucia Realtors sa draft. Gayunman, sa ilalim ng Purefoods/Magnolia franchise niya higit na nakilala at nabuo ang kanyang karera.
Walong beses siyang naging PBA All-Star, kabilang ang pagkakapanalo bilang All-Star Game MVP.
Unang natikman ni Simon ang kampeonato noong 2006 sa ilalim ng Purefoods, na sinundan ng isa pang titulo noong 2010. Kabilang din sa kanyang mga kampeonato ang 2012 Commissioner’s Cup kasama ang B-Meg, 2013 Governors’ Cup sa San Mig Coffee, at mga titulo sa ilalim ng Magnolia noong 2018.
Naging makulay ang karera ni Simon, na makikita rin sa mga mensahe ng pakikiramay mula sa kanyang mga dating kakampi at sa prangkisang naging tahanan niya sa loob ng maraming taon.
Kabilang sa mga nagpaabot ng mensahe ang matagal niyang naging kakampi na si James Yap, na nagulat sa biglaang pagpanaw ng dating kasamahan.
“Ang bilis namang nangyari nito, pare. Talagang hindi inaasahan. Salamat sa lahat ng kabutihan mo, kaibigan,” ani Yap sa kanyang post para kay Simon.
Nagbigay-pugay rin ang Magnolia Chicken Timplados Hotshots sa dating manlalaro.
“You represented the franchise in the best way possible, and that is why you are beloved not just by Hotshots fans, but every Filipino basketball fan,” pahayag ng koponan bilang pagpupugay kay Simon.
Nagpaabot din ng mensahe ang dati niyang kakampi na si Marc Pingris, na nakasama rin niya sa mga ligang labas matapos silang magretiro sa professional basketball.
“Tol gusto ko lang magpasalamat sayo. Salamat dahil madami ka pinasaya na mga kabataan at mga manunuod sa PBA man or sa labas,” ani Pingris.
Malaki ang naiambag ni PJ Simon sa basketball sa bansa, bagay na pinatutunayan ng dami ng mga dating kakampi, tagahanga at kapwa manlalarong nagpaabot ng pagmamahal at pakikiramay sa kanyang pagpanaw.