Daily Tribune

DYARYO TIRADA

PBB House inuulan ng reklamo

DT · Nov 22, 2026, 12:16 AM

Pumalo na sa mahigit 1,300 reklamo ang natanggap ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kaugnay ng mga kamakailang episode ng reality show na “Pinoy Big Brother Collab 3.0.”

Kinumpirma ito ni MTRCB chairperson at CEO Lala Sotto sa isang opisyal na pahayag na ipinarating din ng ahensya sa pamunuan ng ABS-CBN at GMA Network, kung saan ipinalalabas ang programa.

“Nakapagtala kami ng mahigit 1,300 reklamo mula sa mga nagmamalasakit na manonood tungkol sa mga kamakailang episode ng ‘Pinoy Big Brother Collab 3.0’ nitong Huwebes, Nobyembre 19,” pahayag ni Sotto.

Ayon sa pinuno ng MTRCB, mula nang maupo siya sa puwesto ay iilan pa lamang ang mga programa sa telebisyon na umani ng ganoon karaming reklamo at komento sa loob lamang ng ilang araw.

Tiniyak naman ni Sotto sa mga magulang na nagpadala ng saloobin na pinakikinggan ng ahensya ang kanilang mga hinaing, kasabay ng pasasalamat sa pakikipag-ugnayan ng network.

“Pinahahalagahan ng MTRCB ang kahandaan ng ABS-CBN na makipag-usap sa amin at ang paninindigan nito sa responsableng self-regulation,” dagdag ni Sotto sa kanyang pahayag.

“Umaasa ako na ang dami ng mga reklamo ay magsilbing sapat na paalala sa ABS-CBN at sa PBB team na laging alalahanin kung sino ang nanonood sa loob ng mga tahanan.”