DYARYO TIRADA
Online seller, patay sa pamamaril
Patay ang isang 35-anyos na online seller matapos pagbabarilin sa loob ng bahay ng kanyang kasintahan sa Barangay Pong-ol sa lungsod na ito noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Carlos Dionicio Tuquib Garcia, may-asawa at residente ng Barangay Cuancabal, Cabugao, Ilocos Sur.
Tinutugis naman ngayon ng mga awtoridad ang suspek na si Dionisio Nodo Galleto isang magsasaka mula sa Sta. Teresita, Cagayan at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Don Lorenzo Querubin, Caoayan, Ilocos Sur.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang pamamaril bandang 10:15 p.m. habang magpapahinga na si Garcia kasama ang kanyang kasintahang si Ana Loraine Llanes Sagucio, isang overseas Filipino worker na nakatira sa naturang barangay.
Sapilitan umanong pumasok sa bahay si Galleto—na dating live-in partner ni Sagucio—at dumiretso sa silid kung saan naroon ang dalawa.
Pinagbabaril umano ng suspek si Garcia nang ilang beses sa ulo at dibdib gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril bago tumakas sa hindi malamang direksyon.
Isinugod pa ang biktima sa Ilocos Sur Provincial Hospital–Gabriela Silang, ngunit idineklara siyang dead on arrival ni Dr. Cristine Gorion.
Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang mga operatiba upang matunton at maaresto si Galleto, kasabay ng pagpapatupad ng dragnet operation at panawagan sa mga posibleng testigo na makipagtulungan sa pulisya.
Humiling na rin ng tulong ang mga imbestigador mula sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa pagproseso sa pinangyarihan ng krimen habang patuloy na inaalam ang motibo sa pamamaril.