DYARYO TIRADA
Management ni Mikee Quintos rumesbak sa bashers
To the rescue ang Sparkle GMA Artist Center sa alagang artista na si Mikee Quintos laban sa umano’y malisyoso at mapanirang pag-atake sa kaniya sa social media kaugnay sa “questionable behavior” nito sa Pinoy Big Brother: Collab Edition 3.0.
Sa inilabas na opisyal na pahayag nitong Biyernes, 20 Nobyembre, kinalampag ng talent management agency ang mga kritiko, kabilang ang mga social media account na pinaghihinalaang sangkot sa coordinated online harassment laban sa aktres.
Nagbabala rin ang ahensiya na hindi ito magdadalawang-isip na magsampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga nasa likod ng mapanirang pag-atake.
“We are closely monitoring these activities and documenting the posts, comments, and accounts involved,” saad ng Sparkle.
Nilinaw ng ahensiya na iginagalang nito ang healthy competition, pagkakaiba-iba ng opinyon at kalayaan ng mga tagahanga na suportahan ang kani-kanilang idolo.
Gayunman, iginiit nitong hindi nito palalampasin ang paggamit ng social media upang siraan ang sinuman sa mga alaga nitong artista.
Sa ilalim ng adbokasiya nitong “Click Kindness,” hinikayat din ng Sparkle ang publiko na suportahan ang kanilang mga paboritong artista nang hindi naninira o nang-aapak ng ibang personalidad.
Inilabas ang pahayag sa gitna ng pambabatikos kina Quintos at kapwa housemate na si Cianne Dominguez matapos kumalat ang mga video clip kung saan makikita silang tumatawa habang ginagaya at tila ginagawa nilang katatawanan ang mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWDs).
Kaugnay nito, naglabas din ng pahayag ang National Council on Disability Affairs (NCDA) na nananawagan sa pamunuan ng PBB na maging mas sensitibo at responsable sa pagpapalabas ng mga eksenang may kaugnayan sa mga PWD.
Nakipag-ugnayan na rin ang NCDA sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at sa production team ng programa upang maiwasan ang mga katulad na insidente.
Ipinaalala rin ng ahensiya na ipinagbabawal sa ilalim ng Magna Carta for Persons with Disabilities ang pampublikong pangungutya at pang-iinsulto sa mga taong may kapansanan.
Nag-alok din ang NCDA na magsagawa ng disability sensitivity training para sa production crew, writers at talents ng programa. #