DYARYO TIRADA
Kasong economic sabotage sa mga sibuyas smugglers inihahanda
Umuusad na ang pagbuo ng kasong economic sabotage ng National Bureau of Investigation–National Capital Region (NBI-NCR) matapos maglabas ng subpoena laban sa mga direktor at manager ng isang cold storage facility sa Valenzuela City kung saan nadiskubre ang tinatayang P524 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sibuyas.
Ayon kay NBI-NCR director Emeterio Dongallo Jr., ikinatwiran ng mga opisyal ng pasilidad sa imbestigasyon na pag-aari ng mga tenant at lokal na magsasaka ang mga nakaimbak na produkto, ngunit tanging mga photocopy lamang ng lease contract ang kanilang naiprisinta.
Sinabi ni Dongallo na wala pang nakikitang matibay na ebidensya ang kawanihan na mag-uugnay sa mga nakumpiskang sibuyas sa mga lokal na magsasaka. Iginiit niyang imposible umanong makapag-ani ang mga lokal na magsasaka ng ganoon kalaking bulto ng sibuyas, na indikasyon ng malawakang hoarding upang manipulahin ang suplay at presyo sa merkado.
Nag-ugat ang operasyon noong Setyembre 29 nang makatanggap ang NBI-NCR ng mapagkakatiwalaang impormasyon na malaking bulto ng mga produktong agrikultural ang ipinuslit nang walang kaukulang permit at matagal nang nakaimbak sa naturang pasilidad.
Matapos ang dalawa hanggang tatlong linggong surveillance kasama ang Bureau of Customs (BOC), naglabas ang mga awtoridad ng Letter of Authority noong Oktubre 16 at isinilbi ito sa warehouse kinabukasan, Oktubre 17.
Nabigo ang mga operator ng pasilidad na magpakita ng mga dokumento sa importasyon sa loob ng itinakdang 15 araw.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12022, o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, itinuturing na economic sabotage ang pagpupuslit o pagtatago ng mga produktong agrikultural na nagkakahalaga ng P10 milyon o higit pa—isang paglabag na may parusang habambuhay na pagkakakulong at multang katumbas ng limang beses sa halaga ng nakumpiskang produkto.