Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Beauty products, malaki ang tiwala kay Kathryn, Marian

DT · Nov 22, 2026, 12:13 AM

Kathryn Bernardo — Photograph courtesy of katryn bernardo/instagram

Walang duda na nangunguna sa mga endorsement ng beauty products ang mga aktres na sina Marian Rivera at Kathryn Bernardo at hindi naman nakakapagtaka dahil malaki ang tiwala ng mga brand sa maganda at respetadong imahe nina Marian at Kathryn sa publiko.

Bukod sa telebisyon at radyo, kaliwa’t kanan din ang kanilang endorsements sa iba’t ibang online at social media platforms.

Kaya naman sila rin ang pinapangarap na maging brand ambassador ng matagumpay na Filipina entrepreneur sa mundo ng beauty at skincare na si Nathalie Ordanza, founder at CEO ng Élan Ivory Glow.

Sa likod ng kanyang lumalaking brand, kilala si Ordanza bilang isang babaeng negosyante na super hands-on sa pagdidisenyo at pagbuo ng formulation ng bawat produkto sa kanyang skincare line.

Sa panahong sunod-sunod ang paglabas ng iba’t ibang beauty brands, nais ni Ordanza na magkaroon ng sariling tatak ang kanyang kumpanya.

Hindi siya basta nakuntento sa paggamit ng ready-made formulations; sa halip, pinili niyang pag-aralan at buuin ang sariling konsepto para sa bawat produkto.

Bitbit ang mahigit 25 taong karanasan sa healthcare industry—partikular sa healthcare education, clinical documentation integrity at professional leadership—ginamit niya ang kanyang malawak na kaalaman sa science at research upang makalikha ng mga produktong tumutugon sa iba’t ibang pangangailangan ng balat.

Bagama’t hindi cosmetic chemistry ang kanyang unang larangan, hindi ito naging hadlang para pasukin at pag-aralan ang skincare industry.

Isa sa mga ipinagmamalaking tagumpay ng kanyang kumpanya ay ang pagkasungkit ng 2026 Australian Award for Excellence in Cosmetic Formulation, isang pagkilala sa natatanging formulation approach ng brand.

Sa loob lamang ng anim na buwan, umani na rin sila ng iba’t ibang national at international awards, kasabay ng pagbubukas ng mga oportunidad para sa retail expansion.

Para kay Ordanza, hindi sapat na marami lang ang active ingredients ng isang produkto; mas mahalaga na malinaw ang papel ng bawat sangkap sa kabuuang formulation.

Bilang isang ina, healthcare professional at entrepreneur, patuloy niyang pinatutunayan na hindi hadlang ang dami ng responsibilidad para makapagsimula ng bagong karera at magtagumpay.

Ayon kay Ordanza, ramdam niyang swak sa kanilang adbokasiya sina Rivera at Bernardo—na kilala rin sa kani-kanilang beauty ventures—kaya hiling niyang makatrabaho ang mga award-winning actress sa hinaharap, kasama ang iba pang hinahangaang bituin.

Marian Rivera — Photograph courtesy of Marian rivera/instagram

“I would love to have Marian Rivera, pero Diyos ko, ayaw ko nang i-wish si Marian Rivera. Wish ko? Oh my God! Isipin n’yo kung makuha ko sina Dawn Zulueta at Alice Dixson! Kasama rin sina Sue Ramirez at Kathryn Bernardo, even si Lorna Tolentino,” kuwento ni Ordanza.

Paliwanag niya, iba-iba ang uri at kulay ng balat ng mga aktres na ito—may morena gaya ni Bernardo at may mapuputi gaya nina Dixson at Ramirez na natural na nagkakaroon ng sun spots o blemishes—kaya bagay sila sa mensaheng nais iparating ng kanilang produkto.

“Naniniwala ako na bagay sila sa products namin. Kasi po, hindi sana maging mentality ng mga Filipino, kasi tayo po ay sanay sa whitening, eh,” ani Ordanza. “Gusto ko po sanang ipakita na hindi lang tayo magiging beautiful dahil lighter ang skin natin, but we are aiming for a renewed skin health. Iyon po talaga ang aim ng ating brand.”